Advertisers
NAGPAPATUTSADAHAN sa social media ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rody “Digong” Duterte hinggil sa dapat ay makukuhang coronavirus disease (covid) vaccine sa unang quarter ng 2021.
Sinisisi ni Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Sec. Francisco Duque ng Department of Health (DoH) dahil sa pagiging “pabaya” at “incompetent” ng huli para makabili agad ng Covid vaccine ang Pilipinas sa pagpasok ng Bagong Taon.
Tweet ni Locsin: “Putang ina silang naglalaro sa buhay ng Pilipino. Yayariin ko sila!”
Bagama’t hindi tinukoy ni Teddy Boy kung sino ang opisyal na ito, obviously ay si Duque ang pinatutungkulan nya rito. Mismo!
Una nang ibinunyag ni Senador Ping Lacson na naging pabaya si Duque nang ialok ng Pfizer ang Covid vaccine sa Pilipinas. Nag-followup pa raw ang Pfizer para sa mga hinihinging dokumento. Pero di raw ito trinabaho ni Duque. Kaya ang inaasahang vaccine sa Enero ay malabo pa sa ata ng pusit na magkaroon ang Pilipinas.
Sabi, kaya dinedma ni Duque ang alok ng Pfizer ay dahil sa mas gusto nito ang gawang China na Sinovac. “Magkano?”, sabi ng ilang netizens.
Post ni Teddy Boy, may gustong magka-kickback sa Sinovac kaya ito ang ginigiit ng ilang Gabinete ni Duterte.
Lalo tuloy umingay ang isyu sa social media. Sabi ng netizens, ang pagpabaya ni Duque sa pagkuha ng Pfizer ay tiyak daw may bendisyon ng itaas na ang talagang target ay ang made in China nga na Sinovac.
Ang palusot naman ng nasa Palasyo ng Malakanyang, imposibleng makabili ng vaccine sa Pfixer ang Pilipinas dahil ang deliverables ng Enero ay nabayaran na raw ng mayayamang bansa.
“Mukha namang imposible talaga makakuha tayo ng Pfizer as of January kasi ‘yung January deliverables nila, compeletely paid for na by richer countries. So let’s not speculate anymore,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ang mga Pinoy ay ayaw ng bakuna mula China dahil nga sa balitang kuwestiyunable pa ang ispiritu o bisa ng Sinovac vaccine na ito. Batid natin na ang karamihan ng gawang China ay substandard. Ang Covid nga lang na unang pumutok sa China ang tumagal, higit 10 months nang namemerwisyo sa Pilipinas.
Say ng netizens: “Sina President Duterte at Roque muna ang unang magpaturok ng Sinovac bago kami.” Hehehe…
Wala pang reaksiyon sa hamon na ito ng netizens ang taga-Palasyo.
Maalala na maraming beses nang inanunsyo ni Pangulong Duterte na mayroon nang daan-daang milyong pondo pambili ng covid. Na ora-mismo kapag may available nang vaccine sa mer-kado ay unang-una na magkakaroon ang Pilipinas lalo kung China at Russia ang unang makakadiskubre ng vaccine. Ang China at Russia ay nagsimula matagal nang nagsasagawa ng mass vaccination sa kanilang citizens.
Ang talagang problema pala ng gobierno ay pera. Wala palang pondo para pambili ng vaccine. Hindi pala totoo ang sinasabi noon ni Pangulong Duterte na may nakalaan nang pondo. Joke lang pala yun! “Bounced check” yun, sabi ni Sen. Frank Drilon.
May dalawang pharmaceutical companies sa US na nag-alok rin ng vaccine sa Pilipinas. Kaso sa 3rd quarter ng 2021 pa raw ito available. Aray ko! Buhay pa kaya mga senior at that time?
Ilang Pinoy pa kaya ang matitigok sa Covid bago makaangkat ang gobierno ng Pilipinas ng covid vaccine na ito?
Ang problema kasi sa mga opisyal natin ay ang “kickback” ang unang iniisip kesa kapakanan ng mamamayan. Ilang buwan nalang kasi sila sa puwesto, 17 months, kaya nagkukumahog na ang mga animal sa pagpuno sa kanilang mga bulsa.
Sa 2022,kung buhay pa tayo, maghalal ng tamang lider!