Advertisers
Nadakip sa entrapment operation ng CIDG-National Capital Region Field Unit ang 3 suspek na sinubukang mangotong ng P90 milyon sa kandidato sa pagka-mayor at vice mayor ng Cagayan kapalit umano ng siguradong pagkapanalo nila sa paparating na eleksyon. Ayon kay CIDG Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, nadakip ang mga suspek sa loob ng isang mall sa Marikina City sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng CIDG-NCR. Humingi kasi ng tulong sa CIDG ang dalawang biktima, isang tumatakbong mayor at vice mayor sa bayan ng Enrile, Cagayan Valley dahil sa panghihingi ng grupo ng mga suspek na nagpakilala sa mga IT expert ng Comelec ng P90 milyong kapalit ng kanilang siguradong pagkapanalo sa 2025 midterm elections. Nakipagkasundo ang mga complainant na magbibigay ng paunang bayad sa mga suspek subalit lingid sa kaalaman ng mga ito na nagsumbong na sila sa CIDG at ikinasa ang entrapment operation laban sa kanila. Bukod sa 3 nahuli, pinaghahanap pa ang apat pang kasama ng mga suspek na nakatakas sa isinagawang operasyon. (Mark Obleada)