Advertisers
CALAMBA, Laguna – Umani ng pagpuna at batikos si dating Laguna 3rd District Representative Sol Aragones mula sa napakaraming residente ng lalawigang ito, dahil sa umano ay pakitang-tao at “kaplastikang” ipinakikita niya sa kasagsagan ng kampanyahan para sa darating na halalan sa Mayo 12.
Partikular na binabatikos si Aragones, na muling tumatakbo bilang gobernadora matapos matalo sa halalan noong 2022, dahil sa pagbabandera niya ng naitayo na umano niyang anim na botika sa lalawigan na namimigay kuno ng libreng maintenance medicines.
Subalit sinupalpal si Aragones ng mismong mga residente ng lalawigan, na karamihan ay kinukuwestiyon ang motibo niya sa pamimigay ng libreng gamot ngayong panahon ng halalan.
Sa isang post ng FB user na si Karen Lagat-Mercado, binatikos niya si Aragones dahil umano sa wala naman itong ginawa na programang katulad ng pamimigay ng gamot sa loob ng siyam na taon niyang panunungkulan bilang kongresista ng 3rd District.
Idinagdag pa niya na kahit noong kasagsagan ng pandemya ay ni hindi ito nakikita sa kanyang opisina, kung kaya’t hindi siya malapitan ng mga kadistrito niya para mahingian ng tulong.
Tiniyak pa niya na ginagawa lang ni Aragones ang pagtulong kuno dahil kumakandidato ito ngayon bilang gobernadora.
“Ngayong tumatakbo kang gobernadora bigla kang sipag (kuno) at ang dami mong programa (kuno). Nakapagtataka!,” pagbibigay diin ni Mercado.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Gertrudes Salamat, 36, isang empleyado mula sa San Pablo City na hindi nila naramdaman kahit kailan ang mga tulong na naipaabot ni Aragones sa kanila sa panahong nanunungkulan pa ito.
“Di namin siya nakikita noong panahong nakaupo pa siya. Tapos ngayong nangangampanya siya eh sasabihin niya na hindi daw kami pababayaan at sasamahan pa sa mga hospital pag magpapagamot,” sabi niya.
Idinagdag pa niya: “Paano kami maniniwala eh wala nga siyang ginagawa kundi mangako, pero sa dulo naman ay kinakalimutan na kami.”
Maliban sa kanila ay marami pang residente ng lalawigan ang mnagpaabot sa pahayagang ito ng kaparehong sintemento kaugnay ng anila ay pagiging pabaya at katamaran ni Aragones kapag nasa puwesto .
Sa harap ng ganitong mga kaganapan ay tinangka ng pahayagang ito na kunan ng panig ang kampo ni Aragones, subalit hanggang sa oras ng mailathala ang balitang ito ay hindi parin sila makontak.