Advertisers
ILANG ARAW na lang, Pasko na! Kasunod nito, ang pagsalubong natin sa Bagong Taon ng 2021.
Ngayong Pasko, ating alalahanin na ang Panginoong Jesus ay isinilang sa mundong ito hindi upang magmalaki at magmapuri sa sarili.
Ang sarili ni Jesus ay ginawa niyang aginaldo at handog Niya sa Mundo, nang akuin ng Panginoon ang lahat ng ating Kasalanan.
Siya ang tumanggap ng mga parusa na tayo na mga makasalanan ang dapat na tumanggap ng kirot at pasakit.
Si Kristo ang nagpakita ng halimbawa ng isang masunuring anak ng Diyos. Kung tutuusin, kaya Niya na huwag mangyari na mapako siya sa Krus at kaya Niyang iligtas ang sarili sa lahat ng paglibak at pagtuya ng mga ayaw sumampalataya sa kanyang pagiging Anak ng Diyos.
Pero ano ang sabi ni Jesus? “Mangyari ang kalooban Mo, hindi ang kalooban ko!”
Nang magpapako sa krus, ipinagkatiwala Niya ang kanyang buhay sa sinapupunan ng Dakilang Diyos, ang sarili ni Jesus ang unang aginaldo niya sa unang-unang Pasko sa Bundok ng mga Bungo sa Golgota, Roma.
Regalo, Chritmas gift ni Jesus ang Sarili Niya sa atin.
Gantihan natin ng kabutihan ang ginawa ni Jesus na siyang tunay na diwa ng Pasko. At matuto tayong humingi ng patawad at magpatawad.
Pasko. Kristo. Jesus.
Mabuhay tayong lahat at Maligayang Pako.
***
KADA taon, ilang milyong metriko tonelada (MT) ng bigas ang kinakain ng mga Filipino?
Pangunahing pagkain kasi natin ay kanin. At dahil sa mabilis na paglobo ng ating populasyon, kailangan natin ang maraming bigas na ating kukunsumuhin, at upang may kanin sa bawat hapag ng pamilyang Pinoy, dapat na madagdagan ng ilang porsyento ng MT ng bigas ang anihin sa ating mga palayan.
Pero sa harap ng ganitong banta ng pagkagutom, tulog na tulog ang mga opisyal natin sa agrikultura. Bakit pa magtatanim kung may mabibili namang bigas mula sa Vietnam, China, Thailand, sa United States at sa India. Ito ang dahilan kaya ayaw kumilos ang mga taga Department of Agriculture (DA).
Kung totoo ang estatistika ng mga taga-DA, ibig sabihin, 2.5 to 3.5 milyong ektarya ang dapat na mataniman ng palay. Kung gayon, ilang libong MT ng bigas kada araw na kakaining kanin ng bayan ang dapat na maani, at ilang milyong MT ang dapat na makuha para sa kunsumo natin kada taon?
Kayang-kaya ba ng mga magsasaka natin na makapag-ani ng 10 hanggang 15MT kada ektarya bawat taon kung matapat na tutulong ang pamahalaan at ang lahat ng pribadong sector?
***
Di ba kaygandang pangarapin na sana ay muli tayong maging rice exporter?
Pero mas madaling magsalita kaysa ito ay magawa. Sa kupad ng usad ng burokrasyang Pilipino, mananatiling malaking problema ang kagutuman sa ating bansa.
Dapat namang magpalabas agad ng isang executive order si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nagbabawal na gawing residential subdivision, golf courses, resorts o lugar para gawing export processing zones ang mayayamang lupang palayan. Dapat ding isama sa pagbabawal na ito ang mga lupang tinataniman ng mais at ng mga gulay at iba pang uri ng pagkain.
Ano naman ang dapat gawin ng sektor ng negosyo? Maglagay sila ng pera sa corporate farming. Kung magagawa ng 1000 malalaking korporasyon na bawat isa sa kanila ay magagawang magpagawa ng 500 ektaryang palayan, katumbas ito ng 500,000 ektarya na palay lamang ang itatanim. Mangyayari na lalawak ang lupang palayan sa 3 milyong ektarya.
Dapat din namang tukuyin agad ng gobyerno ang mga lugar na gagawing palayan, at kasabay nito (government owned and controlled corporation and financial institution, GOACCAFI) , pabilisin ang mga proyektong patubig.
Maaari ring iutos sa lahat ng korporasyon, kawanihan o opisinang nasa kontrol ng pamahalaan na magbigay ng isang sakong bigas kada buwan sa kanilang mga empleyado. Iyong matataas na uri ng bigas ang dapat na bilhin ng mga GOACCAFI upang ang bigas na pantulong ng National Food Authority ay makasapat naman sa mga kapos sa pera na sektor ng ating lipunan.
Kailangan din na ang malalaking pribadong korporasyon ay mag-ambag ng solusyon sa problema ng kagutuman: magbigay sila ng alawans sa pagkain ng mga kawani nila. Isa ito makabayang gawa na dapat nilang gawin upang makatulong sa bansa.
Sa mga maykaya at angat sa buhay, bilhin naman nila ang matataas na uri ng palay na itinatanim ng ating mga magsasaka ng palay. Sa gayon, magsisikap sila na ang ganitong uri ng palay ang itanim at anihin.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.