Advertisers
INIIMBESTIGAHAN na ng pulisya kung aksidenteng tinamaan ng bala ang isa nilang kabaro habang nagsasagawa ng pagsasanay sa gun proficiency sa mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa firing range sa loob ng kampo sa Silang, Cavite, Sabado ng hapon .
Sa ulat, isinugod sa Tagaytay Medical Center si Police Corporal Renante Marolina, 29-anyos, tubong Digos City, Davao Del Sur at nakatira sa PNPA Tactics Male Barracks sa Brgy. Tartaria, Silang dahil sa sugat sa kaliwang tiyan.
Ayon sa biktima, tapos na siyang magturo ng gun proficiency sa firing range ng Camp Castañeda PNPC sa nasabing lugar nang makaramdam siya ng kakaiba.
Aniya, nag-alisan na ang mga kadete mula sa pagsasanay na nagsimula ng 1:00 ng tanghali hanggang 5:00 ng hapon at nagpapalit na ng damit pabalik sa kanilang barracks nang mapansin niya ang umbok sa kanyang kaliwang tiyan. Inakala aniyang namuong pawis lang ang umbok hanggang napansin niyang may dugo sa maliit na butas at namamanhid na ang kanyang tiyan.
Nagduda siyang may tumusok na isang bagay sa kanyang tiyan kaya nagtungo siya sa PNPA Academic Health Service na inirekomenda namang ilipat siya sa Ospital ng Tagaytay para lubusan siyang masuri at magamot.(Koi Laura)