Advertisers
Arestado ang dalawang holdaper na nambiktima sa isang senior citizen sa Caloocan City sa ikinasang follow-up operation sa Navotas City.
Sa tinanggap na report ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, habang naglalakad sa kahabaan ng C3 Road, Brgy. 22, ng lungsod ang 69-anyos na senior citizen alas-5:00 ng madaling araw nang hawakan at tutukan ng baril ng dalawang suspek sabay pahayag ng holdap.
Sapilitang kinuha ng mga suspek ang kanyang cellphone, relo at wallet na naglalaman ng P5,000 cash at mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo na minamaneho ng kanilang mga kasabwat habang humingi naman ng tulong ang biktima sa Caloocan Police Sub-Station 1.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng SS1 at Intelligence Section ay nasakote ang dalawang suspek na edad 19-anyos at 18-anyos sa kanilang lugar sa Navotas City kung saan positibo silang kinilala ng biktima nang iharap sila dito.
Narekober sa naarestong mga suspek ang dalawang caliber .45 pistols na kapwa kargado ng mga bala at dalawang motorsiklo na ginamit nila sa panghoholdap.hMahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery (Hold-up) at paglabag sa RA 10591 in relation to the Omnibus Election Code (Gun Ban)..(Beth Samson)