Advertisers
TALAMAK na ang extortion mula sa mga negosyante at mga lokal na politiko sa Davao region dahil sa isang PFP congressional candidate na kung tawagi nila “Sir NT”.
Si Sir NT, sa tulong ng isang Secretary o ni “Sec”, ay nananakot o nangha-harass daw ngayon ng mga kontraktor sa Davao Region para suportahan ang kandidatura ng una, habang si Secretary ay nasa negosyo ng mga multong proyekto gamit ang kanyang posisyon para impluwensiyahan ang mga kontraktor para makakuha ng “advances”. You know!!!
Ang tandem ay nag-iikot kasama ang kanilang military connections sa rehiyon dahil sa kanilang mining activities. Ginagamit nila ang military networks na ito para takutin ang mga negosyante at magbigay sa kanila ng “payola”, sinasabing ito’y para kay SAP Lagdameo. Araguy!!! Nakararating naman kaya kay SAP ang kadatungan? Baka puros bukol ka na rito, SAP? Mag-helmet ka na! Hehehe…
Ang negosyong mining ni Sir NT ay nalalagay ngayon sa balag ng alanganin matapos masilip sa House Quadcom hearings. Nadiskubre kasi ang maraming iregularidad. Araguy!!!
Ang isa pang nakakaalog ng utak na rebelasyon ay itong babaeng dikit kay “Sec” sa Palasyo. Ang babaeng ito ang nag-akusa kay PBBM na “cocaine addict”.
Kaya nananawagan ang ang Mindanao supporters sa Palasyo na imbestigahana ng mga personalidad na ito at wakasan ang kanilang mga pananakot at pang-aapi.
Oo! Dapat imbestigahan ni SAP Lagdameo ang mga taong ito na gumagamit ng kanyang pangalan sa Extortion at Corruption.
Tuldukan!
***
May mga nagtatanong: Ano raw ang mangyayari sa impeachment process sakaling mag-resign si Vice President Sara Duterte-Carpio?
Sa programang sa ‘Totoo Lang ng One PH’, sinabi ni Batangas 2nd District Representative Jinky Luistro, isa sa mga miembro ng House prosecution panel para sa impeachment laban kay VP Sara, nais parin niyangh maipagpatuloy ang impeachment trial kung magbitiw man sa puwesto ang Bise Presidente.
Anang mabunying babaeng mambabatas, tutukuyin sa trial kung papatawan si VP Sara ng ‘perpetual disqualification’ sa paghawak ng public office.
“There are two particular prayers in the impeachment complaints. One is the removal from office… Kung mag-resign ang ating Bise Presidente, I understand that the removal from office will become moot and academic already,” paglilinaw ni Luistro.
“But with respect to the second prayer, kailangan ituloy ang impeachment trial para magkaroon ng determination whether she will be meted with perpetual disqualification to hold office as well.”
Tama si Rep. Luistro.
***
Noong nakapako pa sa tanggapan ng House ang impeachment complaints laban kay VP Sara, hinahamon nila ng kanyang mga kapatid at ama na bilisan ang pagpapatalsik sa kanya.
Ngayong na-impeach sa Kamara si VP Sara, sa malaking boto na 239, nanggagalaite naman ang mga Duterte pati ang kanilang mga kaalyado. Politika raw ang rason kaya pinatatalsik ang Bise, banta raw kasi ito sa 2028 Presidential derby.
Ang gulo talaga ng mga Duterte!