Advertisers
Ni Archie Liao
SA pagbabalik-tanaw ni Eric Quizon, sinabi niya na nasaksihan niya kung gaano ka-generous ang kanyang amang si Dolphy.
Growing up, tinatabig daw niya iyong mga tagahangang hinahawakan ang kanyang ama.
Noong lumaki raw naman siya ay naging kontrabida rin siya sa namayapang King of Comedy.
Sobra raw kasi ang pagiging matulungin ng kanyang daddy to the point na napagsasamantalahan na ang mabuting kalooban nito.
Nakagisnan daw niya na tuwing may taping ito noon ay dinadagsa sila ng mga tao na humihingi ng tulong.
Ang ginagawa raw niya noon ay itinataboy niya ang mga ito lalo pa’t nafe-feel niya na madalas ay nagte-take advantage ang mga ito sa pagiging bukaspalad ng kanyang daddy.
Paniniwala kasi niya, okey lang iyong tumulong ng isang beses pero ibang kaso na kung gagawin ito nang madalas hanggang sa puntong dumedepende na ang mga ito ng palagiang ayuda.
Gayunpaman, hindi rin daw niya maawat sa pagtulong ang ama lalo na’t kung hindi siya nakabantay.
Nabawasan lang daw ito nang maging director siya ng kanilang family sitcom noon kung saan nababantayan niya ang mga lumalapit sa ama.
Sa panayam naman ni Julius Babao sa vlog nito, ipinaliwanag din niya kung bakit siya ang tumatayong spokesman at executor ng pamilya.
Bukod sa nakasaad sa will, ito rin daw ang ibinilin sa kanya ng ama bago ito pumanaw.
Aware rin siya na noong una ay may mga kapatid na posibleng magselos sa kanya dahil hindi naman siya ang panganay sa labinwalong magkakapatid.
Kung may naging common goal daw naman sila, ito ay ang isabuhay ang bilin ni Dolphy na huwag mag-aaway sa pagpanaw nito.
Ibinida rin niya na napanaginipan niya ang kanyang ama kamakailan kung saan may bilin daw ito “for the boys.”
Basa raw niya, reminder ito ng ama na huwag kalimutang mag-share ng kanilang blessings.
Si Eric ay kasalukuyang head ng Star Center Artist Management ng NET25 na naatasang mag-build up ng bagong talents para sa nasabing network.