Advertisers
NAHARANG ng Bureau of Customs-Port of NAIA mula sa isang bodega ang papalabas na kargamento na na naglalaman ng mamahaling ‘agarwood’, isa sa pinakabihirang puno sa mundo at makikita sa mga kagubatan ng Timog-silangang Asya,kabilang ang Pilipinas, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ang shipment, na idineklara bilang dried wood chips ay sumailalim sa isang masusing physical examination kung saan nadiskubre ng customs examiner na naglalaman ng agarwood—isa sa pinakamahalaga at lubos na hinahangad na mga kahoy sa buong mundo dahil sa paggamit nito sa pabango, tradisyunal na gamot, at mga mamahaling produkto.
Ang nasabat na agarwood ay tumitimbang ng isang kilo na nagkakahalaga ng PhP750,000
Ang nasabing exportation ay labag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Forestry Reform Code of the Philippines (PD 705), at Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147), na kumokontrol sa kalakalan at pag-export ng mga endangered at protected species.
Itinurn-over ng bureau ang nasabing agarwood sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang paghawak at disposisyon.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin ang pangangalaga sa kapaligiran at labanan ang iligal na kalakalan ng wildlife, nananatiling matatag ang Bureau of Customs sa pangako nitong pigilan ang labag sa batas na pag-export ng mga endangered species at pangangalaga sa biodiversity ng bansa.
Sinabi ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, ang hindi natitinag na pagsisikap ng BOC-Port of NAIA sa pagpapalakas ng mga hakbang sa pagpapatupad at pakikipagtulungan sa mga regulatory agencies upang labanan ang iligal na kalakalan at iba pang kontrabando. (JOJO SADIWA)