Mayor Honey, dedma lang sa mga fake surveys at demolition jobs na pinupukol sa kanya
Advertisers
SA gitna ng mga fake surveys at mga demolition jobs na ipinupukol sa kanya at sa kanyang administrasyon, ay nananatiling dedma lang si Manila Mayor Honey Lacuna at sinabing hindi niya papayagan na madiskaril ang kanyang administrasyon at sa halip ay mananatili itong naka-focus sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga residente ng Maynila at sa pagpapatupad ng mga proyektong kanyang inilatag tungo sa “Magnificent Manila ng 2030.”
Ito ay kasabay ng imbitasyon ni Lacuna sa publiko na lumahok o hintayin ang kanilang pagkakataon na maging bahagi ng “Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!” program ng pamahalaang lungsod.
“Name it, we have it!,” saad ni Lacuna patungkol sa iba’t-ibang mga serbisyong ipinagkakaloob ng libre ng iba’t-ibang departmento, kawanihan at tanggapan ng Manila City Hall, sa mismong mga pamayanan.
Kabilang na sa mga inaalok na serbisyo ng “Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!” program ay ang mga sumusunod: ID para sa solo parents, persons with disablity at senior citizens; free medical check-up, laboratory examination, pet vaccination at birth certificate concerns.
“Maraming-maraming salamat po sa mga nagpupunta at naga-avail ng mga iba’t-ibang serbisyong diretso sa tao. Bukas po ang ating Kalinga sa Maynila sa lahat ng mga Manilenyo at mga karatig na barangay,” pahayag ni Lacuna.
Nagbibigay din ng libreng dental extraction/fluoride services, reading glasses, medicines, massage, haircut at maging TESDA training.
Bilang karagdagan ayon kay Lacuna, ay nagkakaloob din ang public employment service office (PESO) ng palagiang job fairs tuwing may Kalinga’ na sabay na ginagawa sa iba’t-ibang barangays araw-araw.
Kaugnay pa nito, inanunsyo nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo na ang senior citizens at PWDs ay kapwa binibigyan din ng pantay na pagkakataon na magkaroon ng trabaho sa pamamagitan ng PESO-Manila.
“Kami po ni Vice Mayor Yul Servo ay malugod na bumabati ng congratulations sa lahat ng na-hire na mga minamahal nating mga lolo at lola at mga PWDs. Maraming salamat sa mga partner companies, kasama ang Jollibee Foods Corporation (Jollibee, Burger King, Chowking at Greenwich) at sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaang-lungsod ng Maynila na katuwang ng PESO Manila sa pagbibigay ng marangal na trabaho para sa bawat Manileño,” ayon pa sa lady mayor.
Ang “Kalinga sa Maynila” program ay nagsimula nang manungkulan si Lacuna bilang alkalde noong 2022, at ito ay upang dalhin ng diretso sa tarangkahan ng mga residente ng lungsod ang pangunahing serbisyo ng City Hall upang ‘di na sila kailangan pang magpunta dito at upang makatipid ng oras, pamasahe at pagod. (ANDI GARCIA)