Advertisers
Ni CRIS A. IBON
NANINDIGAN ang grupo ng mga sakla, bookies at iba pang mga vice operator tulad ng peryahan o karnabal na front ng mga ilegal na sugal at bentahan ng droga at iba pang elementong kriminal na hindi nila ititigil ang kanilang operasyon hangga’t hindi nababawi ang milyones na “pasalubong” at mga “weekly payola” na naihatag nila sa ilang korap na opisyales ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), local, barangay sa Cavite at iba pang opisyales ng pamahalaan.
Sa manipesto na may lagda ng 50 sakla operatorS sa Cavite na napasakamay ng Police Files Tonite, isiniwalat ng nagpakilalang opisyales at miyembro ng Cavite Sakla Operators Association (CSOA) ang malaking ambag ng mga ito sa maraming lokal na opisyales sa iba’t ibang siyudad at bayan ng lalawigan nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at ng kapatid nitong si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla.
Binanggit ng grupo na sila ang takbuhan ng mga mahihirap na mamamayan, na nauulila o namatayan ng mahal sa buhay, ngunit walang kakayahang ipalibing ang kanilang nakaburol lalo na sa mga residente ng mahihirap na bayan ng Mendez, Maragondon, Magallanes, Bailen, Amadeo, Noveleta, Naic at Ternate kungsaan laganap ang saklaan sa maraming barangay at maging sa kanilang mga lisensyadong sabungan at tupadahan.
Maging ang mga maunlad na siyudad ng Bacoor, Dasmariñas at Cavite ay may sangkaterbang mga sakla den sa iba’t ibang barangay at maging sa kanilang license cockpit.
Liban sa mga sakla joint, talamak din ang operasyon ng bookies ng EZ2, pick 3 at Peryahan ng Bayan (PnB) na ino-operate ng kilala Rin drug lordS na sina Jun Toto, Nitang Kabayo, Kap Abner at Santander sa Dasmariñas City, Bacoor cITY at iba’t ibang panig ng lalawigan ni Governor Athena Bryana Tolentino.
Sina alyas Jun Toto, Nitang Kabayo, Kap Abner at Santander kasama ang iba pang drug/gambling operator ay nagpapakilalang political supporters ng mga Remulla at may malaking ambag na pondo para sa kampanya ng kanilang mga kaalyadong mayor kungsaan malayang nakapag-o-operate ng kanilang ilegal na pasugal at drug deal.
Bagama’t may atas na si Cavite PNP Provincial Director, Col. Dwight Alegre, sa kanyang mga police chief na patigilin ang operasyon ng sugal sa mga peryahan, arestuhin at kasuhan ang mga operator nito ay binabalewala naman ang utos niyang ito ng mga hepe ng pulisya sa mga bayan ng Mendez, Magallanes, Naic, Maragondon, Dasmariñas City, Bacoor City, Cavite City, Ternate, Noveleta at iba pang siyudad at bayan.
Ratsada din sa bayan ng Silang ang pergalan na may shabuhan ni Ramil; sa Naic ay si Michael at sa mataong Brgy. Paliparan, Dasmariñas City ay may salyahan pa ng shabu sa pasugalan ng isang alyas Tetet.
Patuloy din ang mapanganib na operasyon ng paihi/buriki ng isang “Amang” at “Cholo” sa Brgy. Bancal sa siyudad ni Carmona Mayor Dahlia Loyola.
Sa may tatlong pahinang manipesto, sinabi ng CSOA na milyones ang nakolekta sa kanila ng isang “Hero” at “Ka Minong” bilang kanilang “pasalubong” sa unang araw pa lamang ng pag-upo sa pwesto ni Col. Alegre.
Sina Hero at Ka Minong ay pareho ring sakla operators sa Amadeo, Maragondon, Noveleta, Magallanes at iba pang lugar sa Cavite.
Liban sa “pasalubong” ay may lingguhang P50K na hatag sila kina Hero at Ka Minong, na ayon sa mga ito ay para sa tanggapan ni Col. Alegre; P50K para sa pangalan ng tanggapan ng PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at P50K din para sa mga alkalde.
May nakalaan ding payola o lingguhang intelhencia para sa ilang police chiefs at opisyales ng mga lokal na kapulisan at sa iba pa na kung tagurian ay “Tropang Dikit”.
Ilan sa mga nakalagda ay sina alyas Joji, Dencio at Alma ng Mendez; Eric, Elwyn ng Magallanes, Maragondon at Amadeo; Maricon ng Naic; Toto ng Noveleta at Ternate; Nani ng Bacoor; Ewang ng Dasmariñas City at Cavite City at iba pa.
“Malaki po naiaambag ng aming “palaro” saan mang bayan at siyudad, kasama ang suporta namin sa pagpapalibing sa mga mahihirap na mamamayan, pagbibigay ng tulong sa aming mga alkalde upang pondohan ang kanilang mga scholar, suportang pinansyal sa mga lokal na atleta at iba pang suporta katuwang ang local government unit dito sa Cavite”, ayon pa sa manipesto.
Nahirang bilang pinakamahusay na Police Provincial Director sa CALABARZON si Col. Alegre kamakailan, ngunit malaking sagwil at balakid naman sa kanyang liderato at kakayahan ang naturang paninindigan ng mga sakla operator at iba pang ilegalista sa kanyang hurisdiksyon.