Advertisers

Advertisers

SA DEHADO ANG TAYA

0 2,137

Advertisers

Naka pasok na ang mga kakandidato sa panimulang lagusan o starting gate at anumang oras ay sisimulan na ang largahan sa kampanya para sa halalan ’25. Marami ang lumahok sa halalan higit sa pwesto ng senador na labing tatlong mapapalad ang uupo’t maglingkod sa bayan bilang mambubutas este mambabatas sa bugok na kapulungan. Sa mga tumatakbo sa halalan, makinang ang dami ng mga lahing nagpayaman sa politika na ‘di ibig bumitiw sa tungkulin ng ‘di magalaw ang negosyong tangan. Ang pananatili sa politika ng ina, anak kapatid at asawa’y paniniguro ng pananatili ng yaman. At umaasa na ‘di magagalaw ang negosyo sa halip umaasa na pakikisamahan sa lipunan at ang paglago ng negosyo halos nasa kamay. Sa kabilang banda ng mga uri ng mga tumatakbo, nariyan ang mga kilalang mga pangalan sa media at social media na taga pagtanggol kuno ng inaapi subalit kung sisilipin ang postura mababatid ginagamit ang pwestong tangan sa ‘di pagsunod kahit sa maliit na regulasyon tulad ng trapiko. ‘Di lingid sa Alkalde ng Lunsod Quezon ang kinatawang bayan na bisyo ang pagdaan sa courtesy lane ng EDSA. Ang mapait, higit na kilala ng sumbungan ng bayan ang batang kinatawan at mataas ang ambisyon ng amang pasikat ngunit lubog sa talastasan sa senadong kinakatawan.

Sa pagbitiw sa renda ng takbuhan sa ’25, tila huli ang petsa ng pagsisimula ng kampanyahan dahil nauna na ang mga kandidatong maraming salapi ang nakapagpakalat na ng ngalan at mukha sa bawat sulok ng bansa. Samantala, malayo na ang takbo ng mga troll sa pagkakalat ng pekeng nagawa upang liluin sina Mang Juan at Aling Marya. Sa aga ng pagpapakilala tila naiibigan ng mga netizen na ihalal sa pwestong ibig ang mga masisiba sa salapi dahil sa ‘mga propagandang makikita sa social media. Sa totoo lang, karapatan ng sino mang Pinoy ang tumakbo sa ano mang pwestong ibig, maging tanga o bobo at karapatan ng higit na maraming tanga at bobo na maghalal ng kapwa tanga at bobo. Subalit, iba si Mang Juan, na umaasa na makakamit ang ibig na pagbabago sa tamang taya sa halalan. Ang salang pagpili’y isang panaginip na may temang bangungot kung maihahalal ang bobo at tangang kandidato. Tandaan na ang maling pasya sa halalan ang magdadala sa bansa sa higit na kahirapan subalit kagalingan sa buhay ng inihalal.

Sa halalan higit sa panahon na mabilis ang takbo ng social media hindi maisasantabi na ang mga masalapi ang may bentahe na manguna sa dami ng hinete na tumitimon upang mapatakbo ng maayos ang banderista kandidato ngunit ‘di masabi kung mananatili ang takbo sa gitna o hulihan ng karera. Sa totoo lang, mataas ang tsansa ng mga kandidato na may ipinakitang galing sa nakaraan na masasabing may huling hinga sa laban. Ang kagalingan sa nakaraan higit sa pagbabantay sa mga karapatan ng mga tao, karapatan ng mga manggagawa at pagbabantay sa kabang bayan ang magtutulak sa Pinoy na mag-isip ng tamang ihahalal. Tunay na mabigat ang laban ng mga kandidatong nais ng tunay na paglilingkod sa bayan kumpara sa mga tumatakbong ibig na mapanatili ang tinatamasang sarap ng buhay. Habang ang iba’y ibig tularan ang dating kasama sa industriya ng pelikula na silip ang masaganang buhay sa likod ng kamangmangan.



Sa totoo lang, walang pagnanais na manatiling pikit sa mga kaganapan sa nalalapit na kampanyahan dahil ang kagalingan ng bayan ang nakasalang. Hindi magdadalawang isip na itaya ang pangalan sa laban kahit may kahirapan na mapagtagumpayan. Ang pagmumulat sa mga botante na tulad ni Mang Jua’y gagawin at isusulong ng magkaroon ng tamang kinatawan sa mga kabahayan ng pamahalaan. Walang puwang ang yumuko at ipagpalit ang tamang pagpili ng tamang kandidato na kakatawan sa interes ng bayan at mamamayan. Matarik ang landasin ngunit ‘di mangingimi na dalhin ang usapin sa kabahayan ng mga maralitang Pinoy. Ang araw na sumisikat sa Silangan ang lamparang gamit sa pagmumulat sa nakakarami. At sa paglubog sa kanluran, hayaang maging katahimikan ng gabi ang gawa sa umaga ng maging katotohanan at ‘di panaginip ang masaganang buhay sa kinabukasan.

Ang hamon ng kinabukasan ng bansa’y nasa harap na kailangang pagyamanin ‘di para sa iilan higit sa nakakarami na tunay na binubulag ng ayudang programa. Programang may disenyo o larawan na ayaw mabago ng mga taong nasa kapangyarihan. Ang pagharap sa hamon ng may pagkalinga sa nakakarami ang isa-isip ng mga manghahalal higit para sa salinlahi na umaasa sa pasyang maglalagot sa kahirapan o maging sa pagbaba ng presyo ng bilihin. Hindi kailangan na sungkitin ang buwan o araw upang ihandog sa bayan ngunit ang pumili ng tamang kandidato ang hakbang na inaasahan sa mga manghahalal. Huwag magpabulag sa mga pansamantalang kabuhayan na ilang araw lang ang pakinabang. Ang mahalal ang tamang kandidato sa halalan ang maghahasik ng punla na lilinangin ng bayan para sa kinabukasan. Mahirap ngunit kaya higit kung tama ang pasya sa halalan.

Sa karerang tinatayaan sa halalan, huwag magpadala sa pagpapalaganap ng salang impormasyon na magdadala sa bayan sa higit na kahirapan. Daang taon na ang nakaraan at ang pagbangon ng karaniwang mamamayan ay ‘di naganap at nanatili sa lupang inaapakan. Samantala, ang iila’y kinapital ang mapanlilong kagalingan na patuloy sa pamamayagpag ng kabuhayan sa harap ng naghihirap na bayan. Nalimutan ang pinanggalingan sa halip ginawang sangkalan ang kahinaan ng nakakarami upang manatili sa rurok ng kasaganahan. Walang puwang ang maliit na tulad ni Mang Juan.

Mang Juan maging matalas sa pagpili ng kinatawang bayan sa halalan. Ang ‘di gumagamit ng latigo sa karera ng halalan ang tapunan ng tingin at tayaan. Ang dehadong mga kandidato ang magbibigay sa nakakarami ng dibidendong pang malakihan higit sa pakinabang na pangmatagalan. Nasa bayan ang pasya sa taya sa halalan ngunit bigyan pansin at tumaya sa mga kandidatong bayan ang dala at ‘di sarili. Marami sa mga dehadong kandidato ang nagpakita ng malasakit sa maliliit, ang nasa harap ng bayan. Pag-aralan at pag-isipan ang pagtaya sa mga kandidatong tamang asenso sa buhay ng mamamayan at ‘di kahirapan ang sa kinabukasan. Huwag ilayo sa isipan ang tunay na karanasan na nasa hanay ang kandidatong magdadala sa ating kinabukasan. Sa dehadong kandidato sa senado ang taya ng Malaki ang tama higit sa kinabukasan ng salinlahi at ng bayan nating mahal.

Maraming Salamat po!!!!