Advertisers
TENSYONADO ngayon ang paligid ng MVHAI Administration Office (clubhouse) nang muling magkairingan ang dalawang grupo ng ‘homeowners’ matapos na isilbi ng isang Sheriff ang writ of execution sa pag-uutos na payagan ang mga nagrereklamo na siyasatin ang mga libro, itala ang iba pang mga financial documents ng asosasyon na nasa ilalim ng liderato ni Arnel Gacutan.
Nang magtungo ang grupo ni July Templonuevo sa MVHAI clubhouse na matatagpuan sa kanto ng Nazareth at Judea Sts, kasama ang sheriff ng HUman Settlements Adjudication Commission (HSAC), sila ay hinarang ng mga guwardya at iba pang sibilyan na umano’y ‘goons’ ng kabilang kampo.
Tumagal ng ilang oras ang tensyon sa tapat ng gusali hanggang namagitan ang rumespondeng tauhan ng Don Bosco Police Station upang mapigilan ang pagsiklab ng kaguluhan sa lugar. Gayunpaman, binigyan ng HSAC ng 15 araw na palugit ang kampo ni Gacutan upang sumunod sa kautusan.
Ayon kay Templonuevo, ang mga lumikas na Board of Directors ng MVHAI na pinamumunuan niya ay dapat na mabawi ang kanilang pananakop sa MVHAI admin office dahil ang kasalukuyang nanunungkulan dito ay napatalsik at ‘perpetually disqualified board of directors’ na pinamumunuan ni Gacutan.
Sinabi ng kampo ni Templonuevo na muling ‘sumiklab’ ang tensyon at karahasan nang umano’y iligal na i-takeover ng kampo ni Gacutan ang pamumuno sa Mutinational Village noong September 5,2024 kung saan ay hindi makuha ang suporta ng lokal na pamahalaan at pulisya upang mapayapang ipatupad ang ‘rule of law’.
Mula noon take-over ay laganap na umano ang panliligalig sa mga supporters ni Templonuevo, illegal arrests ,arbitrary confiscation of vehicle stickers,illegal water disconnection of households na ang Maynilad water dues ay binabayaran nila, at palihim na pagkumpiska ng mga water meters.
Noong nakaraang linggo ay binugbog ng ilang ‘goons’ ang tauhan ni Templonuevo at pinagbabato ang bahay nito na ginawang pansamantalang opisina sa loob din ng subdibisyon.
Noong mga nakalipas na taon ay nagprotesta ang ilang homeowners ng Multinational Village kaugnay sa umano’y iregularidad ni Gacutan bilang pinuno ng homeowners na naging dahilan upang magreklamo ang ibang naninirahan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ang DHSUD ay nagpatawag ng special election noong 2022 kung saan ay natalo ang grupo ni Gacutan sa landslide win ng grupo ni Mel Marquez, subalit noong 2024 ay isinagawa umano ni Gacutan ang election noong Mayo ngunit kinuwestyon sa kaduda-dudang mga pangyayari at pamamaraan, na walang bisa at hindi wasto, at nilahukan ng mga taong ‘perpetually disqualified’ mula sa pagkahalal.
Samantala, tinangka ng pahayagang ito na makuha ang panig ng kampo ni Gacutan subalit pinagbawalan ng mga guwardya ang mga mamamahayag na makapasok sa kanilang tanggapan. (JOJO SADIWA)