Advertisers
HUMIGIT-KUMULANG 10,000 indibidwal na napatunayang may maraming voter registrations sa lungsod ng Makati ay itinuturing na ‘flying voters’ at mahaharap sa mga kaso sakaling bumoto sila sa May 2025 midterm elections.
Ito ang naging dahilan upang maghain ng petisyon ang United Nationalist Alliance o UNA sa Makati Metropolitan Trial Court (MMTC) na naglalayong madiskwalipika ang mahigit 10,000 umano’y ‘flying registrants’ na hindi naman bonafide residents ng lungsod subalit nakalista sa voters registration noong nakaraang taon.
Natuklasan ng UNA ang mga iregularidad sa listahan ng mga botante ng Makati sa 1st at 2nd legislative districts, kabilang ang mga solong address na nagho-host ng daan-daang mga nagparehistro, mga bakanteng lote at barong-barong na nakalista bilang mga tirahan, at maging ang mga pribadong ari-arian na mapanlinlang na inaangkin ng mga estranghero.
Batay sa impormasyon, mayroong 50,000 flying voters na nakalusot sa voters registration ang nadiskubre ng ilang mga residente at napatunayan ito nang i-validate ng UNA ang umalingasaw na anomalya.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ilang opisyal ng barangay ay kasabwat umano sa pamamagitan ng pagbibigay ng Barangay Certificates of Residency para sa mga hindi residente ng Makati nang hindi tinitiyak kung sila nga ay naninirahan sa kani-kanilang mga ibinigay na address.
Ang petisyon ng UNA ay naglalayong panagutin ang 10,558 ‘flying voters’ upang mapangalagaan ang integridad ng halalan sa Makati.
Magugunita na ang UNA ay naghain ng Petisyon para sa Certiorari sa Korte Suprema na naglalayong ipawalang-bisa ang isang resolusyon ng Commission of Elections (Comelec) En Banc na nagpapahintulot sa pagpapalit ng kandidato para sa 2025 na halalan na lampas sa itinakdang deadline at sa malinaw na paglabag sa mga statutory requirements. (JOJO SADIWA with Photos by: CESAR MORALES)