Advertisers
BILANG tugon sa pagbabago ng labor market, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng reskilling at upskilling sa mga manggagawa.
Sa kanyang talumpati sa Career Con 2025 sa Pasay City, sinabi ni PBBM na sa tulong ng TESDA ay may alok na libreng pagsasanay ang pamahalaan upang matiyak na ang mga Pilipino ay may kakayahang tugunan ang pangangailangan ng mga modernong industriya.
Iginiit ng Pangulo na sa harap ng lumalaking pangangailangan para sa mas teknikal na manggagawa, mahalagang katuwang ng pamahalaan ang TESDA sa pagbibigay ng libreng pagsasanay para sa mga nais makakuha ng mas magandang trabaho.
Samantala, binanggit din ng Punong Ehekutibo ang krusyal na papel ng mga pribadong kumpanya, gaya ng SM, sa tagumpay ng mga job fair.
Paliwanag pa ni Pangulong Marcos, ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor ay magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino. (Gilbert Perdez)