Advertisers
HINDI pa pumuputok ang araw ng Martes, marami nang residente ng Metro Manila ang maagang naglakad para makarating sa kani-kanilang trabaho.
Isinailalim ulit sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal matapos manawagan ang healthcare frontliners na mag-lockdown ulit ang mga naturang lugar dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa ilalim ng MECQ, walang public transportation, kaya hirap pumunta sa trabaho ang mga commuter.
Isa rito si Jayson Espineli, construction worker, at single dad sa 3 anak.
Mula Batasan Hills, Quezon City, maaga siyang tumulak para agad makapunta sa trabaho sa Brixton, Pasig City na halos 18 kilometro ang layo.
May bitbit itong baon para sa dalawang linggong pag-stay-in sa pinagtatrabahuan. Buhat ni Espineli ang 4 kilong bigas, mga pagkain, kumot, sabong panligo mga damit at tubig sa kanyang paglalakbay.
Ang security guard naman na si Lito Sulit, 3:00 palang ng madaling araw ay naglakad na ng 16 kilometro mula sa bahay sa Brgy. Payatas, Quezon City papunta sa trabaho sa G. Araneta Avenue sa parehong lungsod.
“Kailangan ko magtrabaho ngayon kahit walang masakyan, maglalakad nalang ako para may mapakain sa mga anak ko,” aniya.
Ang delivery boy na si Ibna Goco ay nanghiram na ng bisikleta sa kaanak para hindi kailanganing maglakad mula Munoz, Quezon City papuntang trabaho sa Cubao sa naturang lungsod.(PTF team)