Advertisers
NAKAKAPIKON na ang ginagawa ng bantay karagatan ng pulahang tsina. Pabago-bago talaga sila ng taktika upang asarin ang ating bantay-karagatan. Ngayon, gumagamit sila ng sonic devices na maaaring maging mapaminsala sa ating Coast Guard personnel.
Ang panghihimasok nila sa ating teritoryo ay patunay na wala silang respeto sa kanino man at wala itong hangganan. Ngunit ang pagiging matimpihin ng ating hukbo ay patunay na hindi tayo titigil sa pagbantay at pagsampa ng reklamo laban sa pulahang tsina.
Ito lang ang tamang paraan. Hindi nating pinalalala ang tensyon. Sabi ng pulahang tsina ang West Philippine Sea ay kanila at pinagtatanggol nila ang teritoryo nila. Talaga lang ha? Ang buong daigdig ay sumasang-ayon sa ating naratibo.
Ang pulahang tsina ang pasimuno ng kaguluhan. Sila ang gumagawa ng gulo. Pilit nilang sinakop ang teritoryo natin. Patuloy silang nag-iingay mistulang paputok ng Chinese New Year sa Chinatown. Walang pagbabago, paulit-ulit.
Kaya kahit anong bagong paingay nila, iisa lang ang ating tandaan: ANG WPS AY TERITORYO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS. Kahit patuloy sila sa pag-angkin ng hindi kanila, magpapatuloy ang ating pamahalaan na kontrahin sila.
Mananatili tayong tumutulak. Mabuhay ang Republika ng Pilipinas at kasihan tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
KUNG patuloy ang mga trapo sa kanilang litanya, patuloy ang inyong abang lingkod na mananawagan na maging mapili tayo sa mapupusuan natin ihalal. Ngayong panahon ng halalan, maglilitawan parang kabute ang mga trapo na pawang walang kwenta.
Walang kwenta dahil pa nahalal wala ng silbi, wala na silang kwenta. Hindi nila gagabayan at dadamayan ang pangkaraniwang mamamayan. Itatapon lang nila ito parang upos ng sigarilyo. Napakinabangan na sila.
Pasensya na po kayo mistulang sirang plaka na paulit-ulit ang inyong abang lingkod sa paalala: maghalal ng taong may tunay na malasakit, magluklok ng taong susuklian ang bawat balota, bawat boto ng tapat na panunungkulan. Tama na ang mga trapong walang kwenta. Kumbaga sa sabong, kumbaga sa pruweba ng kabayo, tingnan ang kanilang kakayahan, at huwag tayo pabibilog ng ulo.
Kilala na namin kayo, hindi na kami mauuto? Kahit makaharbat kayo ng ilang tagasunod, sisiguraduhin namin hindi na kayo makakabalik. Marami na ang matitino na gustong manungkulan sila ang karapat-dapat mahalal at maluklok.
Nasasapawan ang tinig nila ng ingay ng mga trapo, mga payaso na dinadaan ang kampanya sa patawa, pagsayaw at pagpapabebe. Hindi dinadaan ang kampanya sa matino at matalinong diskurso.
Ang babaw nila. Pinabababaw nila ang pananaw ng bawat Pilipino. Kaya paumanhin po kung nagpapara akong sirang plaka. Hanggang sa araw ng halalan hindi titigil ang inyong abang lingkod sa paalala. Maging matino at matalinong botante tayo.
Nandiyan si Chel, si Bam, si Sonny Matula; si Luke, at iba pang malinaw ang plantilya at matino ang plano. ‘Eka nga ng isang kandidato na itatago natin sa pangalang Heidi Mendoza: HUWAG NA TAYO MAGLOKOHAN.
***
NASA huli ang pagsisisi. Marahil ito ang nasa isip ng maraming Amerikanong bumoto kay Donald Trump. Mas maraming tanong kaysa sagot, mas maraming agam-agam. Hindi na naging maayos, lalong gumulo lalo na sa mga migrante, mga walang papeles at mga hindi mamamayan ng Estados Unidos.
Ang mga buhay nila ngayon ay nalagay sa alanganin, dahil anumang oras maaaring silang damputin at ipatapon. Ngunit sapantaha ko mas mahihirapan na si Trump dahil sa dalawang bagay; una ang kanyang gulang. Hindi na siya bata at konting panahon na lang nalalabi niya sa mundo. Pangalawa, yung ginagawa niya ginawa na niya dati, na nagdulot sa Amerika ng mas maraming problema kaysa sa solusyon.
Maaaring meron pa ring susuporta sa kanya, ngunit sa kalaunan, mawawala din ito. Kung paulit-ulit ito na ginagawa kahit hindi maganda ang resulta? Kabaliwan pa rin ito sa kalaunan. Kaya antabayanan. Apat na taon lang naman.
***
mackoyv@gmail.com