Advertisers

Advertisers

GRIJALDO HINUBARAN NG QUAD COM

0 320

Advertisers

MISTULANG hinubaran ng Quad Com si P/Col. Hector Grijado nang humarap ang huli sa ika-14 na yugto ng pagdinig noong Martes. Sinumbatan ng mga kasapi ng makapangyarihang super committee si Grijaldo dahil sa kanyang pag-iwas na dumalo sa pagdinig sa loob ng tatlong buwan. Harapan siyang kinuwestiyon tungkol sa kanyang pahayag sa pagdinig ng Senado.

Hayagang sinabi ni Surigao del Norte Kin. Robert Ace Barbers, presiding officer ng Quad Com, sa public hearing na nagtago sa “right to self-incrimination” si Grijaldo dahil sa patanggi na magpaliwanag sa mga bintang na kanyang iniharap noong nagsalita siya sa kauna-unahan at tanging imbestigasyon ng Senado sa usapin ng giyera kontra droga ni Gongdi noong Nobyembre ng nakaraang taon.

“Nagtatago ka sa self-incrimination, eh ang tanong sa iyo ay relevant question. Ano, matapang ka lang se Senado dahil may kakampi ka,” patuyang sinabi ni Barbers sa harap ni Grijaldo na nagsabing pinangangatawanan niya ang mga sinabi sa Senado. “Dito ka magpakita ng tapang mo. Hindi iyong nandoon ka lang.”



Pinagtatawanan ang public hearing ng Senado dahil nagmukhang abogado ni Gongdi ang mga senador tulad ni Bato, Bong Go, Francis Tolentino, Robin Padilla, at Joel Villanueva. Hindi na naulit ang public hearing dahil sa batikos na katatawanan ang kanilang public hearing.

Sa Senado, pinagbintangan ni Grijaldo na pinilit siya umano ni Kin. Dan Fernandez at Benny Abante na idiin sina Bato dela Rosa at Bong Go sa partisipasyon nila sa madugong pero bigong giyera kontra droga ni Gongdi. Ipinakita ni Grijaldo ng karuwagan ng tumanggi siyang magsalita ng kanyang panig gamit ang “right to self incrimination.”

“Sa Senado ang tapang, tapang mo.Bakit dito, ayaw mo? Magtapang ka dito. Ipakita mo ang the same candor, the same tapang na ipinakita mo doon. Bakit hindi mo gawin dito ngayon?” ani Barbers na hindi naitago ang kanyang inis sa patuloy na pag-iwas ni Grijaldo sa mga tanong ng mga mambabatas.

“Nagtatago ka sa right to self-incrimination, eh ang tanong sa iyo ay relevant question,” ani Barbers. Ayon sa kanya, sinira ni Grijaldo ang reputasyon ng dalawang mambabatas. Hindi niya pinangalanan kung aino ang senador na kakampi ni Grijaldo, ngunit may mga parinig na wala itong iba kundi si Bato.

Hinamon ni Abante si Bato na humarap sa Quad Com at ibigay ang panig sa maraming bintang na isa siya sa mga arkitekto ng digmaan kontra droga na kumitil sa buhay ng mahigit 25,000 pinaghinalaang adik at tulak.



Ipinamukha ni Barbers kay Grijaldo na may mandando ang Kamara upang magsiyasayat sa mga isyu na humaharap sa bayan. Hinamon ni Barbers si Grijaldo na tawagin ang “kakampi” niya at humarap sa Quad Com. Hindi nagsalita si Grijaldo sa mga akusasyon at hamon ni Barbers. Nanatiling nakatungo ang ulo. Sa huli. Pinatawan na contempt order ng komite si Grijaldo at pansamantalang ibinilibid sa kulungan ng Payatas.

Ikinaila ni Fernandez at Abante na pinilit nila si Grijaldo upang patotohanan ang mga sinabi ni Col. Royina Garma na nagdidiin kay Bato at Bong Go sa kanilang pagkakasangkot sa giyera kontra droga. Lumabas na gawa-gawa ni Grijaldo ang kanyang testimonya sa Senado. Sa aming mga mamamahayag, isang salita ang gamit namin sa sinabi ni Grijaldo sa Senado: sinalsal.
***
HINDI lang si Grijaldo ang hinarap ni Barbers sa nakaraang Quad Com. Nagsalita si Barbers tungkol sa kamalasan ng inakusahan na naharap sa maling sakdal at nakakulong ngayon. Nagkaroon ng “gross miscarriage of justice” sa giyera kontra droga ni Gongdi dahil nahatulan mabilanggo at nakabilanggo mga “fall guy” pero nanatiling malaya ang mga may pananagutan sa pagpupuslit ng bilyong piso ng shabu sa bansa.

Sa kanyang opening remarks, ikinalungkot ni Barbers ang hatol na mabilanggo ng ilang taon si Mark Taguba, warehouse guard Fidel Anoche Dee, at dating Bureau of Customs employee Jimmy Guban kahit kapos ang mga ebidensya laban sa kanila. “Ang mga pagpuslit ng tone-toneladang droga na nagkakahalaga ng mahigit labindalawang bilyong piso (P12B), na ibinintang sa mga maliliit na tao ay isang kahina-hinalang hakbang upang pagtakpan ang mga tunay na may kinalaman,” ani Barbers.

“Hinahanap ng Quad Comm ang hustisya. Hinahanap namin ang tunay na may-ari ng droga,” ani Barbers. Kinontra niya ang promosyon ng ilang opisyal na sangkot sa ga kasong ito tulad ni dating state prosecutor Aristotle Reyes, na ngayon ay isang regional trial court judge.

Kinuwestiyon niya ang kawalan ng sakdal sa mga nakakataas ng opisyal at maimpluwensiyang tao. Tinawag niya ito na kahungkagan dahil hindi napanagot ang mga totoong mastermind. Ayon kay Barbers, balak ng super committee na imbestigahan ang mga hindi naresolbang kaso ng EJKs, kasama ang pagpaslang kay Gen. Wesley Barayuga. “Sa pamamagitan ng pagpapatibay pa ng mga batas, maiwasan natin ang injustice,” aniya.
***
INILIHIS ni Bato dela Rosa ang mga isyu laban sa kanya, ayon kay Abante Jr., co-chair ng Quad Com. “Ang ating senador Bato dela Rosa, nung tinanong siya, ayaw naman niyang humarap sa amin. Pinapaharap namin para maging malinaw ang lahat ng bagay. Anong ginagawa niya? Nagpupunta sa media. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya,” ani Abante.

“Kung meron man ditong nagsasabi na we’re gathered here because of politics, gusto naming humarap siya dito para sabihin sa amin directly,” ani Abante.”Ayaw po nating mahulog ang bansa sa droga pero ayaw din natin ang buong Pilipinas maging killing fields, na pumatay tayo na hindi sinusunod ang Saligang Batas,” aniya.

“Ang question dito ay ito: nawala ba? Hindi nawala ang drugs, ganoon pa rin. Ang inaakala po namin dito ay baka naman tinanggal natin ang kumpetisyon para ang maiwan na lamang sa drug trade ay ‘yung mga nasa kapangyarihan,” aniya.

***

Email:bootsfr@yahoo.com