Advertisers
PINAGBABARIL ang sasakyan ng kumakandidatong Sangguniang Bayan (SB) member sa bahagi ng national highway ng Villa Magat, San Mateo, Isabela.
Isang kulay puting pick-up na pagmamay-ari ni dati at tumatakbong SB member Marlon Tutaan ang nadatnang may maliit na butas at basag sa magkabilang bintana partikular sa driver at passenger seat habang nakaparada sa gilid ng highway.
Ayon kay Major Danilo Malab, Jr., hepe ng PNP San Mateo, walang narekober na anumang basyo ng baril sa loob at labas ng sasakyan maging sa paligid nito kaya hindi pa makumpirma kung insidente ito ng pamamaril o biktima ng ‘basag-kotse’ gang.
Hamon ngayon ito sa ginagawang imbestigasyon ng pulisya katuwang ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) lalo na’t wala ring CCTV camera sa harap ng kapilya ng Iglisia ni Kristo maging sa mga poste ng kuryente na malapit sa pinaparadahan ng sasakyan.
Ayon kay Tutaan, ibinahagi niya na nagtungo lamang sila ng kanyang grupo sa naturang lugar partikular sa nasabing simbahan para makipagpulong at magsumite ng proposal.
Makalipas ang ilang minuto, ipinagbigay alam na sa kanya ng mga tao sa labas ng simbahan na mayroong bitak ang bintana ng kanyang sasakyan na hinihinalang binaril.
Ayon sa saksi na body guard ng isang politician, mayroon itong nakitang kulay itim na kotse na tumabi sa pick-up at nakarinig ng mahinang tunog o lagitik saka mabilis na umalis sa lugar ang naturang sasakyan.
Wala namang naiulat na nawawalang gamit ng dating konsehal bukod sa mga naiwang bubog sa loob ng sasakyan.
Sinabi ni Tutaan na wala siyang nakaalitan kahit noong siya’y nanilbihan bilang konsehal ng Ramon, na posibleng maging dahilan para siya ay tambangan.(REY VELASCO)