Advertisers

Advertisers

Aburido

0 1,131

Advertisers

MAY dalawang malaking dahilan upang maaburido si Rodrigo Duterte. Una, mahihirapan matupad ang ipinangakong libreng bakunang bayan sa 2021. Pangalawa, hindi siya lusot sa International Criminal Court (ICC) kung saan nahaharap siya kasama ang 12 alipures sa salang crimes against humanity.

Hindi maagap na kumilos ang gobyerno ni Duterte habang nagkakandarapa ang ibang bansa na makapagsara ng kontrata sa mga kumpanyang gumagawa ng bakuna. Sapagkat naubos ang pera ng gobyerno, tumanggi si Duterte na magbayad ng “reservation fee” sa mga drug company. Wala siyang naisarang kontrata.

Kahit nagbago ng isip ang sumpunging matanda, walang pharmaceutical firm ang may nais makipagkontrata sa kanyang gob-yerno. Ibinisto ni Teddy Locsin, kalihim ng DFA, at Babes Romualdez, sugo ng Filipinas sa Estados Unidos, ang $10 milyon (P500 milyon) kontrata ng bakuna sa Pfizer na hindi natuloy dahil sa kawalan ng kakayahan ni Francisco Duque III, kalihim ng DoH.



Hindi umano naisinumite ni Duque ang mga kailangang dokumento. Hindi natuloy ang deal sa bakuna na popondohan ng Asian Development Bank at World Bank. May mga pananaw na si vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang may poder na makipagkontrata sapagkat ibinigay ni Duterte sa kanya ang poder sa mga usapan sa bakuna. Gayunpaman, walang maaasahang bakuna mula sa Pfizer na nasa 95% ang bisa (efficacy rate).

Walang plano kahit ang China na matinding kinahumalingan ni Duterte na magbigay ng bakuna o magpautang. Hindi nakapaglambing si Duterte kay Xi Jin Ping upang bigyan ang Filipinas ng bakuna. Nakipag-ayos ang China upang makakuha ng bakuna na may halaga na $100 milyon sa Pfizer. Hindi pa kasi sigurado kung mabisa at walang masamang epekto sa katawan ang bakuna na tinutuklas ng Sinovac, ang kumpanyang Intsik sa bakuna.

Hindi malayo na kaiinggitan ng Filipinas ang mga karatig bansa na makakapagbigay ng libreng bakuna sa kanilang mamamayan. Ipinahayag ni Joko Widodo, pangulo ng Indonesia, na bibigyan ng libreng bakuna sa kanilang mamamayan. Hindi lamang ang kanilang mamamayan ang bibigyan ng libreng bakuna sa New Zealand kundi maging ang mga mamamayan ng mga pulo-pulong bansa sa Pacific.

Malinaw ang policy ng ibang bansa na libreng bakuna para sa kani-kanilang mamamayan. Hindi sila nag-atubili na ibigay ang nais ng mga drug company sapagkat, aminin man o hindi, ang huli ang may poder sapagkat sila ang nagtitiyaga at gumagastos upang tumuklas ng bagong bakuna kontra sa mapanganib na virus. Malinaw na negosyo ang gamot.

Hindi nakatulong ang pagtatalak ng tila bangag na si Duterte na ayaw maniwala na kailangan ang paunang bayad upang mabigyan ng bakuna. Mukhang walang ibabayad ang Filipinas sa mga drug company sapagkat lubog ito sa utang. Mukhang nasagad ang bansa sa agresibong pangungutang dahil kulang na kulang ang nakolektang buwis sanhi ng pagbagal ng takbo ng pambansang ekonomiya dahil ng malupit na lockdown.



Walang kabutihang loob (goodwill) ang gobyernong Duterte sa mga drug company. Simple ang kanilang panuntunan sa negosyo. Kung gusto mo na mabigyan ng bakuna, magbayad ka. Hindi sila namimilit sa ibang bansa upang bumili ng kanilang bakuna. Hindi uubra sa kanila ang tinatalakan at minamaliit na istilo ni Duterte. Hindi nakukuha sa bungangaan ang mga pharmaceutical firm.

***

MAY dahilan na maging desperado si Duterte sapagkat hindi siya lusot sa ICC. Sa kanyang ulat na inilabas noong Lunes, sinabi ni Fatou Bensouda, hepe ng ICC Office of Prosecutor, na may “makatwirang batayan” (reasonable basis) ang isinampang habla nina Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC. Hindi pinawalang sala si Duterte ng ICC. Patuloy na gumugulong ang asuntong crimes against humanity laban sa kanya.

Sa maikli, maaaring bumaba sa susunod na taon ang pinal na ulat ng preliminary investigation ng mga taga-usig ng ICC. May posibi-lidad ng irekomenda ng final report ang pag-isyu ng arrest warrant kay Duterte at 12 alipures na humaharap sa asunto. Kahit abugado si Duterte, mukhang hindi niya batid na mayroon tinatawag na “international crime.” Diyan siya nagkamali sa kanyang madugo ngunit bigong digmaan sa droga.

Nahalata na kinakabahan si Duterte. Nakatakdang siyang humarap noong Lunes sa telebisyon, ngunit ipinagpaliban ito sa Miyerkoles nang malaman niya mula sa sugo ng bansa sa Geneva na lumalabas ang ulat ni Bensouda na nagsasabing tuloy ang asunto. Binanggit ni Bensouda na naapektuhan ng pandemya ang final report kaya hindi ito natapos sa takdang panahon, ngunit idiniin na tuloy ang asunto kontra kay Duterte.

Hindi maimpluwensiyahan ni Duterte ang ICC. Mukhang mga basang sisiw sina Harry Roque at Sal Panelo sapagkat wala silang kakayahan, galing, at lakas upang pigilin ang daluyong ng pag-uusig kay Duterte. Sa maikli, walang magawa si Duterte. Nasa purely defensive mode siya.

***

QUOTE UNQUOTE: “Oo, totoong dati akong hoodlum. Pero mas mabuti na ang hoodlum na naging pulis kesa pulis na naging hoodlum.” – Eddie Garcia sa pelikulang “Boyong Mañalac”

“Bakit walang kumukuwestiyon sa gobiyerno sa pagsusuot ng face shield? May basehan ba ito na tukod sa pag-aaral, agham, o sensiya? Baka may makasagot kaysa naman para tayong daga na sunod nang sunod sa mga bagay na hindi naman pinag-aralan at pinag-isipan…” – Clift Daluz, netizen

“Taiwan is a nation of scientists and techies. So is Singapore. The Philippines is a nation of goons and self dealers. Of course we’re going to get some mysterious Beijing bean-juice up the arm. Then pray. Then be resilient as entitled schmucks make off with our money.” – Joe America, netizen

“Duterte is not the only one in the ‘communications’ (or charge list), which Sonny Trillanes has filed before the ICC. There are other lesser mortals on that charge list. Also charged before the ICC for crimes against humanity are Solicitor General Jose Calida, (this guy is hopeless) Philippine National Police Chief and now Sen. Ronald Dela Rosa (he has to pay dearly for his crimes against our people), House Speaker Pantaleon Alvarez (nasabit siya), former Local Government Secretary Ismael Sueno (nasaan na siya?), Police Superintendent Edilberto Leonardo (who’s he), Senior Police Offi-cer 4 Sanson Buenaventura (sino rin ito), Police Supt. Royina Garma, (she’s now PCSO director) National Bureau of Investigation Chief Dante Gierran (he’s now Philhealth president), and Senators Richard Gordon (the International Red Cross should kick him out of the local chapter for his embarrassing inclusion) and Alan Peter Cayetano (he should also be charged of plunder for the unexplained expenditures in the 2009 SEA Games).” – PL, netizen