Advertisers

Advertisers

7 senador nag-withdraw ng lagda sa Adolescent Pregnancy Prevention Bill

0 27

Advertisers

PITONG senador ang bumawi ng kanilang mga lagda sa committee report sa Senate Bill 1979 o ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill sa gitna ng mga alalahanin ng ilang grupo sa probisyon nito sa Comprehensive Sexual Education.

Sa isang liham na ipinadala kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ipinaalam sa kanya nina Senators JV Ejercito, Nancy Binay, Cynthia Villar, at Bong Go na binabawi nila ang kanilang suporta para sa panukalang batas kung saan kinailangan pa ng karagdagang talakayan sa mga stakeholder.
Sinabi naman ni Senador Jinggoy Estrada, sa isang hiwalay na liham naman kay Escudero, na binawi niya ang kanyang suporta matapos suriin ang ‘sentimyento at matinding alalahanin ng iba’t ibang pribadong organisasyon na nagpahayag ng matinding pagtutol sa panukalang batas.’

Binanggit naman ni Senador Ramon ‘’Bong’’ Revilla Jr. kay Escudero ang tungkol sa kanyang desisyon na mag-withdraw dahil sa nakita nito ang magiging conflict ng panukala sakaling maging batas.



Ayon kay Revilla ang SB 1979 ay naglalaman ng mga probisyon na wala sa SB 1209, na kanyang inakda.

Binawi rin ni Sen. Loren Legarda ang kanyang pirma sa committee report sa SB 1979.

Ayon naman kay Sen. Imee Marcos, maituturing na “premature” pa ang pagbawi ng kanyang lagda sa SB 1979.

Iginiit din niya ang pangangailangan para sa isang batas na tutugon sa teenage pregnancy, na hindi lamang para sa social at moral problem kundi isa ring “problema sa pag-unlad ng ekonomiya.”

Kaugnay nito, inihain na rin kahapon ni Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng SB 1979 ang kanyang substitute bill na tumutugon sa mga alalahanin laban sa panukala at iginiit din niya na wala sa panukala ang mga nabasa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.



Samantala, inihayag ni Senate Presidente Francis “Chiz” Escudero na pag-aaralan nila kung ibabalik sa komite o pagdedebatehan sa plenaryo ang SB 1979.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Marcos na nagulat at nadismaya siya maka-raang mabasa ang SB 1979 at nagpahayag na ibi-veto ang nabanggit na panukala sakaling lumusot sa Kongreso. (Mylene Alfonso)