Advertisers
Ibinabalita ni Mayor Along Malapitan na binigyan na ng Level One status ng Department of Health (DoH) ang Caloocan City North Medical Center (CCNMC).
Ayon kay Malapitan, bunga ito ng patuloy nilang pagsisikap na maiangat ang kalidad ng mga kagamitan, pasilidad, at serbisyong pangkalusugan sa naturang ospital upang mas maayos na matugunan ang pangangailangang medikal ng kanilang mga kababayan.
At dahil level one na ang CCNMC, ayon sa DOH maaari na itong maghandog ng mga karagdagang serbisyo kabilang na ang mga sumusunod:
– First Born Delivery
– Diagnostic X-ray
– General Ultrasound
– HIV Confirmatory Laboratory
– Mammography
– CT Scan
– 2D Echo
“Mga Batang Kankaloo, patuloy ko pong sinisikap na itaas ang kalidad ng ating mga ospital upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa ating mga serbisyong medikal,” wika ni Along.
“Batid ko po na marami pa tayong kailangang ayusin kaya naman patuloy akong nagtra-trabaho para rito at tinitiyak ko na nakikinig ako sa inyong mga komento at suhestyon.”
“Kasama rin po sa aking paalala sa ating mga kapwa kawani ng pamahalaan na palaging maglingkod ng may ngiti at malasakit sa mga Batang Kankaloo. Ang pakiusap ko lang din po ay pakitunguhan din natin ng maayos at may respeto ang mga nagseserbisyo sa atin upang mas maging mabilis at magaan ang ating pakikipagtransaksyon,” pahayag pa ni Mayor Malapitan.(BR)