Advertisers

Advertisers

NAKAKASUKANG DINASTIYA PULITIKAL

0 36

Advertisers

HINDI isusuka ng sambayanan ang naglipanang dinastiya pulitikal kung hindi nangyayari ang ganitong sitwasyon. Subaybayan ang kagulat-gulat na sitwasyon sa bansa.

Ang mag-asawa, mga anak, at mga kapatid ng iisang pamilya ay tumatakbo bilang alkalde at bise-alkalde, gobernador at bise-gobernador, at kahit kongresista at konsehal sa Kongreso at Sangguniang Bayan ng lalawigan, siyudad at bayan.

Ang kabiyak, anak, magulang, at kapatid ng nakaupong kongresista ay tumatakbo upang palitan siya sa pagtatapos ng nakatakdang termino. Tumatakbo ang mga kandidato para sa Senado at posisyong lokal – gobernador, bise-gobernador, bokal, alkalde, bise alkalde at konsehal kahit ang asawa, magulang, anak, kapatid, at iba pang kamag-anak ay nakaupo na sa Senado at iba pang posisyong lokal.



Tumatakbo hindi lang sa Senado at posisyong lokal ang mga kasapi ng pamilyang pulitikal. Lumalahok sila sa halalan bilang nominee ng mga party list group sa Kongreso. Suwapang sa poder ang maraming dinastiyang pulitikal.

Masigabong inilarawan ni Alex Lacson, pangunahing lider ng grupong ANIM na naglalayon na wakasan ang pangingibabaw ng mahigit 200 pamilyang pulitikal sa bansa. Ngayon, nakaluklok sa maraming lalawigan ang mga gobernador at bise gobernador na mag-asawa, magulang at anak, at magkapatid. Mayroon rin magkatambal na alkalde at bise-alkalde.

Kabilang sa iisang pamilya ang ilang senador. Nandiyan ang mga Cayetano, Estrada/Ejercito, at Villars sa Senado. Maaaring maluklok ang dalawang Tulfo at isa pang Binay kung pagbabatayan ang ilang survey. Sinabi ni Lacson na kabilang ang maraming kandidato sa tinawag na “political dynasties” sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987.

Ayon sa Section 26, Article 2 ng Saligang Batas: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Umuugat ang suliranin sa pagpapatupad ng probisyong ito sa huling parirala na “as maybe be defined by law.”

Ito ang dahilan kaya nagsumite si Lacson at ibang lider ng ANIM ng petisyon para certiorari sa Korte Suprema upang utusan ang Commission on Elections (Comelec) na magtakda ng mga alituntunin at ipatupad ang probisyon ng Saligang Batas kontra dinastiya pulitikal. Kinilala ng petisyon ang kabiguan ng Kongreso na magpasa ng batas hinggil sa probisyon na ito.



Lumagda sa petisyon ng ANIM sina Bishop Jose Colin Bagaforo ng Kidapawan City, Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos City, Negros Occidental, P/Brig. Gen. Wilfredo Franco (ret), P/Brig. Gen. Noel delos Reyes (ret), Maj. Gen. Reynaldo Reyes (ret), Col. Guillermo Cunanan (ret), Capt. Roberto Yap (resigned), at Alexander Lacson.

Binigyan kami ng kopya ng petisyon ng ANIM sa Korte Suprema. Pangunahing katwiran ng mga nagsumite na hindi monopolyo ng iilang pamilya ang poder na pinaglalabanan sa bawat halalan. Paglabag sa diwa ng demokrasya kung mapupunta sa ilang pamilya ang poder ng gobyerno. Hindi ito ang layunin ng mga gumawa ng Konstitusyon noong 1986, ayon sa kanila.

Ikinatwiran ng mga nagsumite ng petisyon na dapat wakasan ng Comelec ang karaniwang praktis ng mga nakaupo sa kasalukuyan na ipasa ang poder sa mga kaanak. Layunin nila na bigyan ng pagkakataon ang lahat na nais maglingkod sa bayan.

Ikinatwiran nila na maaaring magpanday ang Kongreso ng isang batas na magbibigay laman at kahulugan sa probisyon kontra dinastiya pulitikal. Ngunit hindi ito limitado sa Kongreso, ayon sa kanila.

Tinawag nilang “self-executing” ang probisyon kontra dinastiya pulitikal, ngunit kanilang panawagan na kung maaari maglabas ang Comelec ng isang order na nagbabawal sa mga dinastiya pulitikal kahit walang batas na naipasa ang Kongreso.

***

NANGUNGUNA sina Imee Marcos, Francis Tolentino, at Camille Villar sa mga kandidato sa Senado – hindi sa survey o lakas ng kandidatura kundi sa laki ng kanilang gastos sa ads. Umabot na sa bilyong piso ang naisuka ng kanilang kampo upang muling mahalal si Imee at Francis at mahalal si Camille, kasalukuyang kinatawan sa Camara de Representante.

Mayaman sila sa salapi, bagaman hindi namin alam kung mayaman sila sa angking talino at kasanayan upang magpasa ng batas or magsulong ng anumang adbokasiya. Hindi namin alam na kasapi si Camille sa Camara ng ilang termino. Hindi namin siya narinig na tumayo upang magsulong ng panukalang batas o adbokasiya. Kasapi si Camille sa isinusukang committee on silence sa Camara.

Hindi namin kilala si Imee sa kasinupan at talas na isip. Mas kilala namin siya na kalat mag-isip at walang patutunguhan. Mas kilala namin si Francis na isang balimbing at oportunistang pulitiko. Hindi siya mangiming magpalit ng partido na tila na nagpapalit lang ng underwear kung batid niya na ito ang paraan upang manalo sa halalan.

Maihahambing si Imee at Francis sa latang walang laman ngunit nilagyan ng ilang piraso bato at inaalog na husto. Maingay, ngunit hanggang ingay lang sila. Hindi namin sila ihahalal at pinapayuhan namin ang ilang mambabasa na huwag ihalal ang sinuman sa tatlo. Kasapi sila ng mga isinusukang dinastiya pulitikal sa bansa.

Ngayon, mayroon kaming limang kandidato na ihahalal sa Mayo – Heidi Mendoza, France Castro, Teddy Casino, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan. Naniniwala kami na mas karapat-dapat silang lima kesa sa mga kasapi ng dinastiya pulitikal, balimbing at oportunista, at laos na artista, at kasapi ng InC o KoJC. Naniniwala kami sa lima.