MCHTF pinuri ni Mayor Honey sa pagkakasabat ng trak na iligal na nagtatambak ng basura
Advertisers
PINURI ni Mayor Honey Lacuna ang Manila City Hall Task Force (MCHTF) sa pamumuno ni P.Capt. Roel Robles sa pakakasabat ng isang industrial truck na iligal na nagtatambak ng basura sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo, kasabay ng panawagan sa lahat ng residente na i-report at idokumento ang mga gawaing pananabotahe sa koleksyon ng basura sa lungsod upang magawan ng kaukulang aksyon.
Nabatid na ipinasa ng Department of Public Services (DPS) sa MCHTF ang isang reklamo kaugnay ng nasabing trak na iligal na nagtatambak ng malalaking volume ng basura sa lungsod noong Huwebes ng gabi, January 9, 2025.
Ang nasabing iligal na pagtatapon ng basura sa lugar ng Barangay 105 mula sa trak na may plakangr RJ- 899, ay nakuhanan mismo ng video.
Mula sa ulat ng MCHTF, sinabi ng alkalde na ang trak ay pagmamay-ari ng isang junk shop operator na residente rin ng Aroma Compound sa Brgy. 105 sa Tondo at sinabi na ang kanyang dalawang empleyado na edad 60 at 24 ang siyang gumagamit ng trak noong mga panahon na naganap ang iligal na pagtatambak ng basura.
Ang nasabing trak ay agad na in-impound sa Manila Traffic and Parking Bureau’s Central Impounding Station.
Sinampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9003 na kilala din bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ang may-ari ng trak at dalawang empleyado sa Manila Prosecutor’s Office.
Tiniyak naman ni Lacuna na pinaigting na ng pamahalaang lungsod ang imbestigasyon at pagbabantay sa iba pang kaparehong insidente na nagaganap sa iba pang lugar sa lungsod, pati na ang pagkakaugnay ng mas malalaking grupo sa iligal na pagtatambak ng basura, upang palabasin na palpak ang garbage collection system ng lungsod.
Hinikayat ni Lacuna ang publiko na ipaalam ang ganitong impormasyon o ebidensya na makakatulong sa imbestigasyon sa Department of Public Services sa pamamagitan ng landline nito na 5310-1232.
Ikinalulungkot ng lady mayor na dahil sa gustong palabasin na mahinang klase ang bagong garbage collectors kung ihahambing sa dating kolektor ng basura, o upang palabasin din na ang administrasyon ni Lacuna ay walang kakayahan na panatilihing malinis ang lungsod, naisasakripisyo ng mga nananabotahe ang kalusugan ng mga residente ng Maynila.
“Nakakalungkot lang na dahil sa maruming pulitika, ni hindi na isinaalang-alang ang samang dulot sa kalusugan ng mga Manilenyo ng mga itinatambak na basura sa Maynila. ‘Wag naman sama puro pansariling interes lang,” saad ng alkalde.
Matatandaan na kinuha ng pamahalaang lungsod ang dalawang bagong garbage contractors matapos na hindi sumali ang Leonel na kinontrata ng dating administrasyon sa bidding sa ‘di malamang dahilan.
Sa kabila na ang kontrata ng Leonel ay hanggang katapusan pa ng December, inulat na ‘di na ito nangolekta ng basura sa huling mga araw ng 2024, na nagresulta sa pagtambak ng basura na umabot sa 400 porsyento ang dami sa buong lungsod. (ANDI GARCIA)