Advertisers
AYAN nga ba sinasabi ko mga giliw kong tagasunod ng kolum ko. Ang naganap na peace rally ng INC umani ng kaliwa’t kanan na batikos. Mula sa nananampalataya sa iba’t ibang sekta, mula sa mga bihasa sa larangan ng batas. Isa na rito si Juan Ponce Enrile.
Aaminin ko, bagama’t kadugo ko siya hindi ako sumang-ayon sa estilo ng pulitika niya dahil sa takot kong masikaran ako ng tatay kong namayapa. Pahintulutan nyo akong isalin ko sa wikang Tagalog at himayin ang sapantaha ni Tito Johnny. May kakayahan ba ang Iglesia Ni Cristo na baguhin ang nilalaman ng Saligang Batas, o pigilin ang ilan sa mga probisyon nito? Handa na ba tayo na isawalang-bahala ang tuntunin ng batas para lang sa isang tao o lapian?
Ang pagtanggal o impeachment ng isang lingkod bayan ay prosesong legal, at nakasaad ito sa ating Saligang Batas. Ang tanggalin ang isang halal na opisyal ng pamahalaan kung may katibayan o patunay na nararapat siyang tanggalin. Ang pagtanggal o impeachment ng isang opisyal o lingkod bayan ay hindi nangangahulugan na makukulong ito dahil lang sa kanyang pagpapatanggal o impeachment, ngunit, bilang isang bansa na tumatakbo alinsunod sa batas.
Sa kalaunan, hindi magiging mainam ito kung sasang-ayon tayo sa lohika ng INC. Handa na ba tayo na humarap sa anumang kahihinatnan bunga ng desisyon ng INC? Marahil ang magiging sagot ay hindi. Tandaan natin ang Republika ng Pilipinas ay hindi Republika ni Manalo. Hindi Republikang sumasang-ayon lang sa anumang nais ng isang pulitiko.
Sikat man o papansin man. Makadiyos man o gustong maging diyos man. Natutuwa ang inyong abang lingkod na sa pagkakataong ito namagitan ng isang nakatatanda upang magbigay ng kanyang sapantaha. Bilang panuldok, basahin lamang ang nakasaad sa Mateo 22:21. “Ibalik kay Caesar ang kay Caesar”. Tugon ito ni Hesukristo sa tanong ng mga Pariseo at hindi ito tungkol sa pulitika o pananalapi. Ito’y tungkol sa prayoridad.
Ano ang tunay na pinahahalagahan na kailanman hindi dapat makompromiso ng lahat ng nananampalataya, anuman ang pananampalataya. Sa palagay ko hindi matutuloy ang pagsikad sa kanya ng yumao kong tatay. Nadarama ko, bilang abogado, sasang-ayon siya sa argumento. Sasang-ayon na hindi mali si Tito Johnny. Nawa’y humaba pa ang buhay nyo Tito Johnny. At sa ating lahat, nawa’y patnubayan tayo ni Poong Kabunian.
***
NASISIWALAT na sa wakas na ang NGCP ay ahente ng pulahang tsina. Ito ay sa wakas, napansin na rin ng ating mga mambabatas, na dinaanan ng suplete ang mga pinuno nito. Syempre iwas -sunog dito ang mga tsinong itinalaga bilang namumuno.
Sinuplete lang naman dito ang mga Pilipinong kumatawan sa kanila sa nagdaang Committee hearing ng Mababang Kapulungan. Sa naturang pagdinig nabuking na ang mga tsino ang namamahala sa NGCP. Mahigpit na ipinagbabawal ng ating Saligang Batas ang pagmamay-ari ng anumang kumpanyang gobyerno, lalo na ang public utilities ng mga dayuhan.
Nasiwalat din na nangyari ang lahat ng ito sa dating administrasyon ni serial killer president. Batid nating lahat na maka-pulahang tsina si Digong Duterte kaya tanong tuloy ng maliit na peryodistang ito: gaano katindi ang ang pagkakanulo ng hamag sa seguridad natin?
Bagaman, natutuwa ang peryodistang ito na tumitindig ang Camara de Representante na, bagama’t may bahid-pulitika “in-aid-of-reelection” ang karamihan, natunton na rin ang isyung ito na, alam natin pagkakanulo ang seguridad ng bansa. Bilang mga Pilipino tungkulin natin ang palagan ang pagsalakay na ito ng pulahang tsina na halatang bahagi ito ng kanilang “asymmetric warfare.”
Isang uri ng pagdirigma ito, na kung saan ang pulahang tsina at pla nito, ay hindi gumagamit ng santatang pa digma. Bagkus, ginagamit ito ng teknolohiya. Teknolohiya at salapi, upang sakupin tayo at mga karatig bansa natin. Panalangin ko lang, maging ang Mataas na Kapulungan ay pumalag na at huwag na maging siyokeng lampa.
***
mackoyv@gmail.com