Advertisers
TODO reklamo na naman si Vice President Sara Duterte-Carpio sa ‘di niya pagkakaroon ng pondo sa medical at burial assistance.
Pinost pa sa social media ni VP Sara ang kanyang pahayag na zero budget siya sa naturang mga assistance. Ginawa niya ito, siguro, para ipabatid sa madla na wala siyang maibibigay sa mga manghihingi sa kanya ng tulong para sa medical at burial, at para narin magalit ang publiko sa administrasyong Marcos, Jr.
Mga igan, si dating VP Leni Robredo ay hindi rin noon binigyan ng budget para sa social services ng administrasyong Duterte, ng ama ni VP Sara, pero never nagreklamo ang biyuda ni yumaong DILG Secretary Jesse Robredo.
Oo! Sa kabila ng kawalan ng pondo ni VP Leni noon ay nagawa niyang makapagbigay ng financial assistance sa medical at burial sa pamamagitan ng tulong ng private sectors na nagmamalasakit sa kanya.
Si VP Leni ay buong termino niyang never nagkaroon ng confidential at intelligence funds at napakaliit ng budget ng kanyang tanggapan, tama lang pangsueldo sa personnel at pambili ng mga gamit sa opisina pero never nagreklamo ang ale.
Pero itong si VP Sara nang maupo noong 2022 ay gabundok ang pondong tinanggap mula kay Pres. Bongbong Marcos Jr., na natigil lamang nitong 2024 nang magkaroon ng matinding hidwaan ang dalawa, gawa narin ng ama ni Sara na gustong patalsikin si PBBM.
Na dahil sa grabeng hidwaan, na umabot pa sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay nina PBBM, First Lady Liza, at House Speaker Martin Romualdez, ay nahalukay ang P612 million confidential funds ni VP Sara na nalustay lang pala sa mga walang katuturang mga bagay, mga multong beneficiaries at mga overpriced na satellite offices ng OVP.
Kaya si VP Sara ay nahaharap ngayon sa tatlo hanggang apat na impeachment complaints sa Kamara, dahilan naman para magsagawa ng “rally for peace” kuno ang Iglesia Ni Cristo para suportahan daw ang panawagan ni PBBM na itigil ang pag-impeach sa pangalawang pangulo.
Ang naturang nationwide rally na dinaluhan ng INC members at mga politiko tulad nina Sen. Bato, Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla, Sen. Francis Tolentino, Congressman Rodante Marcoleta at iba pang kaalyado ng Duterte ay pinuna ni dating Senate President ngayo’y Legal Chief ng administrasyong Marcos Jr. na si Juan Ponce Enrile.
Sabi ni Enrile, kung ang rally ng INC ay para pigilan ang Kongreso sa impeachment laban kay VP Sara at sundin ito ng mga mambabatas, magbubunga ito ng hindi maganda.
Anang 100-anyos na Enrile, ang impeachment ay isang legal na proseso, na naayon sa Saligang Batas, para alisin sa puwesto ang isang opisyal na nakagawa ng mga kasalanan sa publiko o paglabag sa mga umiiral na batas ng bansa.
Sabi pa ng mga eksperto, kapag natakot ang Kongreso sa INC rally na ito, baka ang sunod nang hakbang ng INC ay ang iparetoke ang Konstitusyon para sa mga gusto nilang batas. Hmmm…
Pero may ilang kasalukuyan at mga dating mambabatas ang tumatayo at hinihikayat ang Kamara na simulan na ang proseso ng pagpatalsik kay VP Sara.
Sabi nina ex-Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes, na kapwa nakaranas ng matinding panggigipit sa nakaraang administrasyong Duterte, hindi dapat lumuhod ang Kongreso sa nangyaring INC rally. Dapat anilang sundin ng mga mambabatas kung ano ang naaayon sa batas, hindi ang kagustuhan ng INC.
Well, tingnan natin kung gagalaw pa o aatras na ang mga kongresista sa pag-impeach kay VP Sara.
Kung ang latest surveys ang susundin, majority ng mga Pinoy ay gustong ituloy ang impeachmeny sa pangalawang pangulo.
Subaybayan!