Advertisers

Advertisers

Pangilinan suportado ang apela ng BFAR sa desisyon ng SC ukol sa municipal waters

0 3

Advertisers

Buo ang suporta ni dating Senador Kiko Pangilinan sa hakbang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na i-apela ang pasya ng Korte Suprema na payagan ang commercial fishing vessels na mag-operate sa loob ng 15-kilometer municipal water zone.

Kinatigan ng First Division ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) noong 2023 na nagdedeklarang unconstitutional ang preferential access ng maliliit na mangingisda sa municipal waters.

Ayon kay Pangilinan, lalo lang maghihirap ang maliliit na mangingisda dahil sa desisyong ito ng Kataas-taasang Hukuman.

“Gaya ng mga magsasaka, ang mga mangingisda ang isa sa mga pinakamahihirap na sektor sa ating lipunan. Pero kung sino pa ang nagpapakain sa atin, sila pa ang nalalagay sa alanganin sa desisyong ito ng Korte Suprema. Hindi tayo papayag na madedehado at mahihirapan ang ating maliliit na mangingisda at ang kanilang mga pamilya,” giit ni Pangilinan.

Nagpahayag naman ng lungkot si Pangilinan sa desisyon ng Korte Suprema dahil walang kakayahan at sapat na kagamitan ang maliliit na mangingisda para makipagsabayan sa mga higanteng commercial fishing vessels.

“Paano na ang ating maliliit na mangingisda, na wala namang sapat na kagamitan at malalaking bangka, kung makikipagkumpitensiya na sila sa mas marami at mas malaking operasyon ng commercial fishing vessels?” tanong niya.

Nagpahayag din ng pangamba si Pangilinan sa posibilidad ng overfishing, na hindi lamang makakaapekto sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda kundi pati na rin sa suplay at presyo ng isda sa merkado.

“Hindi malayong magkaroon ng overfishing sa pagpasok ng commercial fishing sa bahagi ng dagat na nakareserba lang dapat sa maliliit na mangingisda,” dagdag pa niya.

Kung muling mahalal bilang senador sa darating na halalan sa Mayo, nangako si Pangilinan na isusulong ang mga bagong batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon at tulong sa mga maliliit na mangingisda.