Advertisers
SERYOSONG ikinokonsidera ni Vice President Sara Duterte na tumakbo sa pagkapangulo pagdating ng 2028.
Isinagawa ng Pangalawang Pangulo ang pahayag sa pulong niya sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Tokyo sa kaniyang “private trip”.
Ayon kay VP Sara, hindi na niya masikmura ang patuloy na pag-atras ng bansa kung saan naniniwala nito na mayroon pang lakas na maipapakita ang Pilipinas.
Matatandaang noong nakaraan ay inihayag ng bise presidente na malalaman pa sa 2026 ang tunay na plano niya sa 2028 presidential elections.
Palasyo ‘no comment’ sa deklarasyon ni VP Sara para sa 2028
HINDI pa nagkokomento ang Palasyo sa ulat na ikinokonsidera na ni Vice President Sara Duterte ang pagtakbo sa 2028 presidential elections.
Sa gitna ito ng patuloy na hidwaan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at ng mga Duterte na dating magkaalyado.
Ayon sa ulat, sinabi ito ni VP Duterte sa isang meet-and-greet event kasama ang overseas Filipino workers sa Tokyo, Japan nitong weekend.
Nitong Martes, sinabi naman ng Malakanyang na hindi nabago ang posisyon ng pangulo sa impeachment na niluluto laban kay VP Sara matapos ang nationwide rally for peace ng Iglesia ni Cristo (INC).
Una na ring nanindigan si PBBM na aksaya lamang sa oras ang impeachment at hindi naman nito mababago ang buhay ng mga Pilipino.
Sina Pangulong Marcos Jr., at VP Sara ay naging running mate sa 2022 presidential elections pero hindi tumagal ang kanilang alyansa.