Advertisers
NATAPOS na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon sa isang press briefing sa Malakanyang na mayroon paring kailangan i-evaluate sa inisyal na naging imbestigasyon ng NBI.
Sinabi ni Fadullon na ang NBI at Department of Justice ay mahigpit na nagtutulongan kaugnay sa usapin.
Sa kanyang panig, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na ang pag-evaluate sa imbestigasyon ng NBI ay bahagi ng “case build up”.
Ayon kay Vasquez, kapag nakumpirma na ang pagsusuri na sapat na upang matiyak ang isang paunang pagsisiyasat, saka sisimulan ang preliminary investigation proper.
Si VP Sara ay hindi lumutang sa mga patawag ng NBI para magpaliwanag sa kanyang naging pahayag na may kausap na itong papatay kay Marcos kapag may nangyari sa kanya.
Ayon kay Duterte ang kanyang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng NBI ay dahil inaasahan na niyang hindi magiging patas ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Marcos na haharangin ang mga “kriminal na pagtatangka” kasunod ng pahayag ni Duterte, at sinabing nakakaalarma ang mga ito.
Noong termino ng ama ni VP Sara na si ex-President Rody Duterte, inaresto, kinasuhan at ikinulong ang isang guro na nagsalita sa social media na papatayin nito si noo’y Presidente Duterte.(Jocelyn Domenden)