Advertisers
NANGAKO ang Pilipinas, Estados Unidos, at Japan na mas palalalimin pa ang kanilang trilateral relations, partikular sa mga larangan ng ekonomiya, seguridad sa karagatan, at teknolohiya.
Sa isang trilateral phone call kasama sina US President Joe Biden at Japan Prime Minister Ishiba Shigeru nitong Lunes, Enero 13, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumpiyansa siyang magpapatuloy ang mahigpit na pagtutulungan ng tatlong bansa upang mapanatili ang mga tagumpay na naabot sa pagpapalakas at pagpapalalim ng kanilang ugnayan.
Una nang nagpulong ang tatlong lider sa isang trilateral summit noong April 11, 2024, sa Washington, DC, kung saan muling pinagtibay ang kanilang pangako sa isang mapayapa, ligtas, at maunlad na Indo-Pacific, alinsunod sa pagpapahalaga ng demokrasya, rule of law, at karapatang pantao.
Ayon kay Pangulong Marcos, mula nang mailatag ang Trilateral Joint Vision Statement noong Abril, malaking progreso na ang nakamit sa pagpapatupad ng bilateral at trilateral na kooperasyon sa mga usaping may mahalagang interes sa tatlong bansa.
Aniya, kabilang dito ang inklusibong paglago ng ekonomiya, pagpapaigting ng teknolohiya, pagtutulungan sa usaping pangklima at malinis na enerhiya, at pagsusulong ng kapayapaan at seguridad.
Sinang-ayunan naman ni Pangulong Biden ang pahayag ni Pangulong Marcos, at binigyang-diin ang makasaysayang progreso sa larangan ng seguridad sa karagatan, ekonomiya, teknolohiya, at de-kalidad na imprastraktura mula sa kanilang pulong nakalipas na taon.
Pinuri rin ni Biden si PBBM sa mahinahong pagtugon nito sa mga agresibong aktibidad ng isang dayuhang bansa sa teritoryo ng bansa.
Samantala, binigyang-diin naman ni Prime Minister Ishiba ang kahalagahan ng pagpapalalim ng trilateral cooperations kung saan kinilala rin nito ang mga tagumpay na nakamit mula sa nakaraan nilang pulong noong 2024. (Gilbert Perdez)