Main arrival curbside sa NAIA 1, binuksan na ng NNIC sa lahat ng pasahero, VIP-only restriction, wala na
Advertisers
BINUKSAN na ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), private operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang main arrival curbside sa Terminal 1 para sa lahat ng pribadong behikulo kung saan accessible na ito sa lahat ng pasahero ‘di lamang sa VIPs.
Anang NNIC, ang pagbabagong ito ay magbibigay sa mas ‘inclusive and convenient’ na karanasan sa mga dumadating na biyahero at mga mahal nila sa buhay, bilang bahagi ng ginagawang pagsasaayos ng daloy ng trapiko at para sa mas magaan na pag-uwi ng mga pasahero sa isa sa pinaka-abalang terminal sa NAIA.
Ang pagbubukas ng arrival curbside para sa lahat ng pasahero ay isang sa pangunahing tampok ng bagong ‘reconfigured pickup system’ sa NAIA Terminal 1, na ginawang simple ang pick-ups para sa mga pribadong sasakyan, ride-hailing services at metered taxis habang pinaluluwag nito ang trapiko at ginagawang maganda ang karanasan ng mga pasahero.
Ang bagong sistema ay kasalukuyang nasa ‘soft launch phase’ pa lamang at nagbibigay sa mga pasahero at transport providers ng opurtunidad na gawing pamilyar ang kanilang sarili sa mga pagbabago. Ang phase na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa fine-tuning at adjustments para siguraduhing banayad ang transisyon bago ang tuluyang implementasyon.
Mayroong 14 na itinakdang loading bays ang main arrival curbside na A1 hanggang A14 kung saan pwedeng sunduin ng mga pribadong sasakyan ang mga pasahero. Ang Bays A8 at A9 ay itinakda para sa persons with disabiliy (PWDs), habang ang Bays A11 at A12 ay mananatiling naka-reserba para sa VIP pickups. Ang Bays A13 at A14 ay para sa hotel pickups, bilang bahagi ng streamlining ng curbside system. Sa ganitong setup, ang mga dumadating na pasahero ay mas maraming pagpipilian para sa mas madaling pickups, kabilang dito ang kaginhawahan habang naghihintay sa main arrival curbside.
Mula sa area na ito ay mag-o-operate din angTerminal Transfer shuttle bus services, kung saan may hintuan malapit sa Bay A14.
Bilang bahagi ng overall reconfiguration, ang outer curbside — B1 to B6 — ay itinakda bilang karagdagang pickup area. Ang bahaging ito ay nakalaan naman sa Meet and Greet Area. Mayroon ding booth para sa mga Grab rider na nakapwesto sa strategic na bahagi ng lugar upang makapagbigay ng mas mabilis at magaan na pagpipiliang booking para sa mga pasahero.
Ililipat naman ang mga Rent-a-Car services, coupon taxis at yellow metered taxis sa arrival extension area sa ground level. Inaasahan na ang mga pagbabagong ito ay para mapaluwag ang ang main terminal curbside habang pinapanatili ang maaasahang public transport access.
Maglalagay din ng malinaw na directional signage sa buong terminal para matiyak ang banayad na transisyon. Mayroon ding mga kawani ng airport personnel na available para gabayan ang mga pasahero at drivers sa mga tamang zones.
Hinihikayat ng NNIC ang mga biyahero at bisita na sumunod sa updated system para sa mas maayos at ‘hassle-free arrival experience’. (JERRY S. TAN)