Advertisers
Naniniwala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner na hindi solusyon ang kudeta o military junta sa anumang problema na kinakaharap ng bansa kabilang na dito ang isyu sa pulitika.
Dahil dito, nananawagan si Brawner sa sambayanang Filipino na magkaroon ng tiwala sa electoral process ng bansa at gamitin ang nalalapit na 2025 midterm elections bilang platform upang ipahayag ang kanilang mga isyu at ang mga pagasa para sa hinaharap.
Sinabi ng Chief of Staff sa dami ng mga problema na kinakaharap ng ating bayan kung anu-ano na lamang ang iniisip gaya ng kudeta o military junta.
Gayunpaman binigyang-diin ni Brawner na ang pinaka mabisang solusyon sa pag resolba sa mga kinakaharap na problema ng ating bayan ay ang halalan.
Binigyang-diin ni Brawner na ang eleksiyon ang siyang nagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan na ilabas ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng pagboto ng mga lider na magta tama sa mga problema ng bayan.
“Our call to the people is to use this election as a platform to express our desires by voting for the right individuals who will serve the country and our society,” General Brawner stated.
Ayon kay Brawner sisiguraduhin ng militar na manatili ang kanilang pangako na maging malaya, ligtas at mapayapa ang 2025 midterm elections.
Samantala, maugong ang sentimiyento ng mga retiradong heneral ng AFP at PNP sa uri at klase ng pamamalakad ng Kongreso ngayon sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez partikular ang umano’y planong paggamit sa pera ng taongbayan para ipambili ng boto ngayong nalalapit na eleksyon na nakapaliob sa ayuda ng AKAP, AICS,TUPAD at kung anu- ano pa.
Ito ang himutok at pagbubulgar na ginawa kamakailan ni Baguio City Mayor Benjie Magalong na isa ring retiradng heneral at graduate ng Philippine Military Academy (PMA).
Ilan din umano sa mga alumni ng PMA ang kumukuwestiyon sa patas at makatarungang pagpapatakbo ni Brawner sa hukbong sandatahan ng bansa kung saan iniulat na nabigyan ng mataas na posisyon ang maybahay ni Brawner sa Marcos Jr. administration na ikinataas ng kilay ng may ilan pang aktibong opisyales ng AFP.
May lambong ng pagdududa sa kredibilidad at integridad ni Brawner ang mismong mga mistah nito sa AFP sa malaya at makatarungang pamamalakad sa hukbong sandatahan.
Hinamon si Brawner ng kanyang mga mistah na maging tapat at maka- Diyos sa pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan at mamamayan.
May kasunod…
Abangan!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com