Advertisers
KULONG ang isang 39-anyos na lalaki matapos mabuking ang pagpapanggap niyang empleyado ng World Health Organization (WHO) para makalagpas sa mga checkpoint sa Baguio City ang mga ipinupuslit niyang locally stranded individuals (LSIs).
Kinilala ang naaresto na si Ernesto Burro Ferrer, Jr., isang driver.
Sa ulat, pinara sa isang checkpoint ng mga pulis ang sasakyan ni Ferrer upang tingnan ang mga sakay niya bilang bahagi ng ipinatutupad na quarantine checkpoint protocols.
Nakitang nakasakay sa loob ng sasakyan ang apat na LSIs at karelyebo sa manibela ni Ferrer na si Romer Sunga Meneses, residente ng Pampanga.
Nang hanapan ng dokumento, kumpleto naman ang hawak ng LSIs, samantalang sina Ferrer at Meneses ay walang maipakita.
Habang tinatanong ng pulisya, naglabas si Ferrer ng ID ng WHO at nagpakilalang empleyado ng nasabing ahensiya.
Pero nang beripikahin ni Cpl. Sharon Patacsil kay WHO Public Information Officer Gina Maramag kung totoong empleyado nila si Ferrer, nabatid na peke ang ipinakitang ID ng suspek.
Inamin ni Ferrer na ginawa lang niya ang naturang ID at maging ang mga inilagay niyang WHO signage sa sasakyan para makapagpuslit ng LSIs papasok sa Baguio.
Nahaharap sa kasong falsification of documents at usurpation of authority at paglabag sa RA 11332 o “Law on Reporting of Communicable Diseases” si Ferrer.(PTF team)