Advertisers

Advertisers

ANG MAGNA CARTA OF FILIPINO SEAFARERS AT ANG TRILATERAL TALKS NI PBBM SA US AT JAPAN

0 18

Advertisers

HINDI maitatanggi na isang makasaysayang hakbang ang naisakatuparan ng administrasyon matapos maselyuhan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 12021 o mas kilala bilang Magna Carta of Filipino Seafarers.

Sa isang seremonya na ginanap sa Malacañang, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng batas na ito na may layuning itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino.

Ang paglagda sa IRR ay isang importanteng tagumpay para sa mga seafarers, isang sektor na matagal nang nagsisilbing gulugod ng global shipping industry.



Aba’y sa pamamagitan ng Magna Carta, layunin ng administrasyon na tiyakin ang makatarungan at maayos na kalagayan ng mga marino, at sa IRR, inilatag ang mga hakbang upang mas mapaigting ang implementasyon ng mga benepisyo at proteksyon para sa kanila.

Malinaw na ang pagkakaroon ng One-Stop Shop para sa mga seafarers ay isang hakbang upang gawing mas madali at mabilis ang mga proseso na tiyak na magpapagaan sa buhay ng bawat marino.

Hindi lamang ito nakatuon sa mga employment standards, kundi pati na rin sa mga aspeto ng kalusugan, kaligtasan, at social protection.

Pinapalakas nito ang suporta sa pamilya ng mga marino at itinataguyod ang kanilang mga karapatan sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap nila sa kanilang trabaho.

Seryosong pinahahalagahan ng pamahalaan ang mga marino bilang krusyal na bahagi ng ekonomiya at shipping industry.



Sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Maritime Industry Authority (MARINA), ang mga programang nakapaloob sa Magna Carta ay tiyak na magdudulot ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga marino at kanilang pamilya.

Samantala, isang makasaysayang sandali ang inihahanda ng administrasyong Marcos sa pamamagitan ng kauna-unahang trilateral phone call ni Pangulong Marcos kasama sina outgoing US President Joe Biden Jr. at Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru.

Ang teleconference na nakatakdang maganap ngayong Linggo, Enero 12, 2025, ay isang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas sa dalawang kaalyadong bansa sa Asya at global stage.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cesar Chavez, bagama’t hindi pa tiyak ang mga paksa na tatalakayin, ang pag-uusap ay isang malaking hakbang upang mapalakas ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa US at Japan.

Sa harap ng mga patuloy na pagbabago sa geopolitics at global trade, ang pagkakaroon ng direktang komunikasyon sa pagitan ng mga lider ng tatlong bansang may malaking papel sa Asian-Pacific region ay nagbibigay daan para sa mas matibay na ugnayan at mas mabilis na pagresolba sa mga isyung pang-ekonomiya, pangkaligtasan, at pangkalikasan.

Ang Pilipinas, sa pamumuno ni Pangulong Marcos, ay may mahalagang posisyon sa mga diskusyong ito, lalo na sa mga usapin ng regional security at economic development.

Kaya, abangan ang susunod na kabanata!

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.