Bago at modernong Public Health Lab sa Sta. Cruz, pinasinayaan nina Mayor Honey at VM Yul
Advertisers
PINASINAYAAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang isang bago at modernong Public Health Laboratory sa Sta. Cruz, Manila bilang kongkretong testamento ng Lacuna administration na inuuna ang kalusugan ng mga residente ng Maynila.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ng lady mayor ang Department of Health dahil sa mabilis nitong pagbibigay ng License to Operate sa nasabing public health laboratory.
“Tapat at totoo nating masasabi na hindi tayo gumastos lang para may maipagmalaki, ito po ay magagamit natin bilang isang tertiary clinical laboratory, mayroon ring drug testing laboratory at isang laboratory for drinking water bacteriological analysis at marami pang iba,” pahayag ng alkalde.
Idinagdag pa nito na: “Ang lahat po nito ay bahagi ng ating patuloy na pagsisinop, pagpupursige at pagbibigay ng dekalidad na serbisyo diretso sa tao.”
Ayon kay Lacuna, ang public health laboratory ay bahagi ng makulay na kasaysayan ng Maynila dahil ito ang kauna-unahan sa buong bansa. Ito ay unang itinayo sa parehong lugar sa Quiricada, ang nasabing laboratory ay ibinigay ng mga Amerikano noong 1945 at muling itinayo noong Octobert 29, 1949 noong panahon ni Mayor Arsenio Lacson.
Sinabi ng alkalde na ang bagong pasinayang laboratory na isu-supervised ng Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan at Dr. Malou Pineda-Santos ay para sa pagtataguyod ng kalusugan sa mga Manileño at magsisilbing insttumento upang malaman ang dahilan ng ilang mga sakit na nakakaapekto sa mga residente ng lungsod.
Mayroong drive-thru services ang laboratory at inilalaan din ito para sa pag-aaral ng ilang uri ng sakit at maging training center ng mga health workers.
Mayroon din itong drug testing at iba pang mga uri ng tests na kinakailangan upang maibigay ang tamang medikasyon at approach sa isang may sakit na residente, depende sa resulta ng lab tests at kung paano ito ginawa.
Ayon kay Lacuna matagal ng plano ang pagtatayo ng modernong public health laboratory pero naantala ito dahil nakaraang pandemya.
Nagpasalamat din si Lacuna sa DOH sa suporta nito at sinabing ang bagong pasilidad ay may license to operate na bilang tertiary clinical lab, drug testing lab at lab for drinking water analysis, maliban pa sa x-ray.
Sa mga darating na araw, sinabi ni Lacuna na ang facility ay magkakaroon ng specialized lab tests bilang suporta sa implementasyon ng universal health care agenda.
“Umasa po kayo na ang pamahalaang-lungsod ay hindi titigil para mas pagandahin at padamihin ang health services na dapat lamang para sa bawat isang Manilenyo,” saad pa nito. (ANDI GARCIA)