Advertisers
“GUYAM” ang ibang tawag sa langgam, isang maliit na nakakairitang insekto na kapag naka-kagat ay dama ng buong katawan ang sakit nito.
Ganito ang nadarama ng mga taga bayan ni Indang Mayor Fidel V. Perfecto, magkahalong pagkairita, pagka bwisit at pagkadismaya sa kung titingnan ay maliit lamang na operasyon ng sugal lupa na kung tawagin ay sakla o baklay, ngunit ang dulot ay perwisyo sa pamilya, lipunan at pamayanan na nalululong sa bisyo ng pagsasakla.
Mainit ang ulo ng ama ng tahanan kapag umuwing talunan sapagkat ang perang kinupit sa pitaka ng kanyang maybahay na dapat ay nakalaan para sa gastusin ng kanilang pamilya ay natalo sa sugal.
Ang estudyanteng anak na ang ipinangtaya sa sakla ay nanggaling pa sa pang matrikula ay tuliro at masakit na ang ulo sa pag iisip kung saan hahagilapin ang pera na dapat sana ay ipangbabayad sa kanyang tuition fee sa kanyang eskwelahan.
Sa tindi ng pagka boryung o pagka aburido ng naadik sa sugal na ama at anak ay nakakaisip ng paggawa ng masama, manloko o manlamang sa kapwa at iba pa upang matustusan ang kanilang bisyo.
Dito na pumapasok ang malaking problema ng pamilya na di lamang ang pagkahumaling sa sugal ay nagumon na din pala sa paggamit ng droga na ipinabebenta ng operator ng mga nagkalat na saklaan sa bayan ng Indang.
Ang itinuturong kontrabida at salarin ay ang salot na “Tropang Guyam” ng Indang na siyang pasimuno sa pagpapatakbo ng sakla at bentahan ng shabu sa halos lahat na sulok ng 36 na barangay na dapat sana ay payapa at maunlad ang mga mamamayan pagkat isa itong 1st Class Municipality.
Ngunit karamihan sa kanila ay nauuwi sa wala ang kinikita pagkat naitataya lamang sa pasakla ng mga tulisang grupo ng “Tropang Guyam” na ipinagmamalaki ang kanilang ilegal na pasugal ay may bendisyon ng kanilang alkalde?
Hindi man naghain ng kanyang kandidatura bilang re-electionist si Mayor Fidel, ay apektado naman ang kredibilidad at imahe ng minamanok na kandidato ng kanilang pamilya sa pagka alkalde. Malamang ay sa kangkungan pulutin ang kandidatura ni Virgilio Fidel sa darating na May 2025 election.
Ang dinadanas na kamalasan sa karera pulitikal ng pamilya Fidel sa bayan ng Indang ay walang ibang masisi kundi ang grupo ng mga drug pusher din na “Tropang Guyam” na siya ding nagpapatakbo ng sangkaterbang sakla sa naturang bayan.
Magkagayunman may panahon pa upang baguhin ni Mayor Fidel ang takbo ng kanilang kapalaran sa pulitika kung matututo lamang itong linisin ang kanilang munisipalidad laban sa salot na sugal na sakla, maipaaresto at mapakasuhan nito ang mga miyembro ng salot na “tropang guyam”.
Hindi lamang si Mayor Fidel ang dapat kumilos kundi maging si Cavite Provincial Director Col. Dwight Alegre at si Police Chief Maj. Rommel Dimaala na dapat ay kaagapay ng alkalde sa pagpapanatili ng kaayusan, pagsugpo sa illegal vices at kriminalidad sa bayan ng Indang.
Nagtataka ang ating mga KASIKRETA kung bakit sa kabila ng katakot-takot na reklamo laban sa operasyon ng sakla, bookies ng EZ2, pick 3, Peryahan ng Bayan (PnB) at lotteng sa Cavite ay patuloy at talamak pa din ang naturang pasugal.
Sina alyas Ka Minong at Hero kasama sina alyas Eric at fake NBI agent na si Elwyn ang operator ng mga saklaan sa mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta,Ternate, Magallanes, Mendez, Bailen at Naic kasosyo ang Shabu Queen na si alyas Maricon.
Sina Ka Minong at Hero ay kasosyo din ng isang Ewang sa operasyon ng sakla sa siyudad ng Dasmariñas, Bacoor City at Cavite City.
Naghahari naman ang EZ2, Pick 3, PnB bookies at lotteng ni alyas Jun Toto sa halos lahat na barangay ng Dasmariñas City kasosyo sina Nitang Kabayo, Kap Abner at iba pa gamit na rebisahan ng taya ang isang garahe ni alyas Jun Toto sa Brgy. San Luis.
Bukod sa pagiging operator ng mga ilegal na pasugalan sina alyas Ka Minong, Hero at alyas Jun Toto ay mga kolektor din ng protection money, payola o weekly intelhencia gamit na panakot ang pangalan ng opisina nina Cavite Governor Athena Bryana Tolentino, PD Col. Alegre, ilang opisyales ng CIDG, PNP Region 4A at maging ng tanggapan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144.