Advertisers
TINIYAK ng Malakanyang na tinututukan nito ang usapin ng food security at mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang kamatis, bigas, karne, at isda.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na bagama’t hindi natalakay ang seguridad sa pagkain sa full cabinet meeting nitong Martes, makikipagpulong aniya si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga kinauukulang ahensya hinggil dito.
Ayon kay Bersamin, nakatutok ang gobyerno sa mataas na presyo ng bilihin, partikular ang kamatis, na itinuturing na pangunahing isyu sa ngayon.
Dagdag pa niya, aktibo rin ang pamahalaan sa paghahabol sa mga sangkot sa hoarding at smuggling.
Aniya, nakapagtataka kung bakit mataas pa rin ang presyo ng mga lokal na produkto tulad ng kamatis, sa kabila ng pagiging isang agrikultural na bansa ng Pilipinas.
Kumpiyansa din naman, aniya, ang National Economic and Development Authority (NEDA) na patuloy na bababa ang inflation rate sa mga susunod na buwan. (Gilbert Perdez)