Advertisers
Natagpuan ng Bureau of Customs (BOC-NAIA) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isang inabandonang bagahe na naglalaman ng 10,706 gramo (10.706 kg) ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Batay sa pagsusuri ng isang chemist mula sa BOC at sa Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA ) ay napag-alamang nagkakahalaga ng P72.8 milyon ang nasabing droga.
Sinabi ni NAIA Customs District Collector Atty Yasmin Mapa na ang inabandonang bagahe ay iniwan sa carousel noong Setyembre 28, 2024 at dinala sa Customs Interline Baggage Room, sa imbakan ng lahat ng hindi na-claim na bagahe.
Ayon kay Mapa, ang bagahe ay pagmamay-ari ng isang Michel Septon, isang Belgium national na dumating sakay ng Qatar Airways flight QR 928 mula Johannesburg, South Africa, sa pamamagitan ng Doha Qatar.
Binigyan aniya ng sapat na panahon ang may-ari ng hindi na-claim na bagahe para makuha ito pero tila wala nang interesado kaya kinuha at ini-scan ng mga drug operatives nitong Lunes ang mga bagahe at nagsagawa ng physical examination kung saan natuklasan ang 10.7 kilo ng shabu na nakabalot sa dilaw at itim na plastic.
Nakikipag-ugnayan ang customs operatives sa pangunguna ni Customs assistant deputy collector for Passenger Services collector Mark Almase sa Bureau of Immigration para malaman kung nasa bansa pa si Septon, habang ang droga ay itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso laban sa pasaherong Belgium. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)