Advertisers
SINABI ni Edgar Matobato, ang umaming naging hitman ng Davao Death Squad (DDS) sa ilalim ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, sa panayam ng New York Times (NYT) nitong Linggo, Enero 5, na naghihintay siyang gamitin ng International Criminal Court (ICC) para maging testigo sa imbestigasyon tungkol sa kasong ‘crimes against humanity’ laban sa dating pangulo dahil sa extrajudicial killings (EJK) at illegal drugs.
Isinalaysay ni Matobato sa nasabing esklusibong panayam ng NYT nang magtungo si Matobato sa ibang bansa kamakailan para humarap sa ICC kung paano niya pinatay ang mahigit 50 indibidwal noong siya ay nagtatrabaho pa sa ilalim ni Duterte.
“For almost 24 years, I killed and disposed of many bodies. I am trying to remember, but I cannot remember everyone. I’m sorry,” saad niya.
Si Matobato ay nakalabas ng bansa, matapos ang ilang taon na pagtatago nang mag-testify sa Senado laban sa noo’y pangulong si Duterte, sa tulong ng dalawang pari na siyang naglakad sa kanyang mga dokumento gamit ang ibang pangalan.
Si Matobato ay tumestigo sa Senado noong 2016 sa tulong ni noo’y Senador Leila de Lima tungkol sa DDS. Pero ang lahat ng kanyang mga testimonya ay hindi noon inintindi ng mga Senador, na majority ay kaalyado o sipsip kay Duterte.
Samantala, dalawang dating hitmen ng DDS ang nasa ibang bansa na upang tumulong sa imbestigasyon ng ICC. Isa rito ay si dating SPO4 Arturo Lascanas, na lantarang hinahamon si Duterte na magharap sila sa ICC.
Si Lascanas ang sinasabing handler ni Matobato. Noong una ay pinabulaanan ni Lascanas ang mga isiniwalat ni Matobato sa Senate investigation. Pero pagkaretiro niya sa pagkapulis ay muli itong lumabas at ipinahayag na lahat nang sinabi ni Matobato ay may katotohanan.
Sinabi ni Lascanas na nakapagbigay na siya ng mga salaysay sa ICC.
Ang pagpasok sa bansa ng ICC ang pangunahing rason ng pagkalas ng Dutertes kay Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. Pinabayaan daw kasi ng administrasyon na makapag-imbestiga ang mga prosecutor ng international court sa mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings.
Ayon kay dating Senador Antonio Trillanes, isa sa mga nagpursige para kasuhan si Duterte sa ICC, posibleng mag-isyu na ng arrest warrant ang ICC laban kay Duterte sa kaagahan ng taon.
Abangan!
***
Inamin ni Vice President Sara Duterte na isa sa mga pinag-uusapan ngayon ng kanilang pamilya ay ang impeachment laban sa kanya sa Kamara. Bumubuo na nga raw sila ng team ng mga abogado na magdedepensa.
Tatlong impeachment complaints ang nakasampa na sa Kamara, at ang pang-apat ay maaring isampa ngayong linggo. Mayroon pa raw pang-lima, sabi ng secretariat ng Kamara.
Ang mga nakasampang reklamo ay hindi pa ito gumagalaw. Hindi pa kasi pumapasok ang mga kongresista, mga nasa bakasyon pa. Pero posibleng umusad na ito sa sunod na linggo, ayon sa ating source.
Sa kabilang banda, hiniling ng Makabayan Block sa pamumuno nina France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel sa ibang nagsampa ng impeachment complaints na mag-usap-usap sila para pag-isahin nalang ang kanilang mga reklamo.
Wala pang reaksiyon dito ang ibang nagsampa ng reklamo na kinabibilangan ng grupo ng mga pari, abogado at estudyante.
Magiging mainit na ang usapin na ito sa impeachment vs VP Sara. Subaybayan!