Advertisers
ISA na namang barangay kagawad sa Zamboanga del Sur ang napatay sa ambush, hapon ng Sabado, January 4, 2024, pangalawa sa naturang probinsiya sa loob lang ng dalawang araw.
Sa pahayag nitong Linggo ni Brigadier General Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, sakay si Joemar Requilme ng kanyang motorsiklo nang tambangan ng mga kalalakihang armado ng mga pistola sa isang liblib na bahagi ng highway sa Barangay Poblacion, San Miguel, Zamboanga del Sur.
Mabilis na nakatakas ang mga pumatay kay Requilme, barangay kagawad sa Lantawan sa San Miguel, gamit ang kanilang mga motorsiklo.
Unang napatay si Michael Virallo sa katulad din na pananambang gabi ng Biyernes sa Barangay Upper Dumalinao, Zamboanga del Sur.
Si Virallo, isang kagawad sa Barangay Upper Dumalinao, ay naglalakad mag-isa sa Sitio Mangga sa naturang barangay nang pagbabarilin.
Nagtamo ng 12 tama ng bala sa ulo at katawan si Virallo, ayon sa ulat ng Dumalinao Municipal Police Station.