Advertisers
UMAKYAT na sa kabuuang apat na indibidwal mula Luzon at Visayas ang nasawi dahil sa paputok sa pagsalubong sa bagong taon, kinumpirma ng pamunuan ng Department of Health (DOH).
Batay sa datos, ang isang biktima ay 44-anyos na lalaki mula sa mula sa Dagupan City, Pangasinan na nasawi matapos na sumabog ang isang 5-star sa kanyang ulo.
Ayon sa mga saksi, gumawa ang biktima ng improvised bombshell at ng sisilipin na sana nito ay bigla itong sumabog sa kanyang mukha.
Naisugod pa ito sa ospital ngunit kalaunan ay namatay din dahil sa pinsalang natamo nito.
Ang pinakabatang nasawi dahil sa paputok ay 8 anyos mula sa San Fabian, Pangasinan.
Dalawang kaso naman ng indibidwal na nasawi ang naitala mula sa Cebu at ang pinakaunang naiulat na nasawi dahil sa paputok ay mula sa Nueva Ecija na isang 78 anyos na lalaki.
Samantala, nadagdagan pa ng 188 ang bilang ng mga biktima ng paputok noong Bisperas ng Bagong Taon dahilan para sumampa pa sa 534 ang kabuuang kaso ayon sa pinakabagong datos mula sa Department of Health (DOH).