Advertisers
NAGSIMULA ang pamahalaan ni Totoy Kulambo sa ‘di tamang hakbang at patuloy hanggang sa kasalukuyan nang ideklara na kailangan ng buksan ang ekonomiya ng bansa upang muling bumalik ang sigla ng merkado at makabawi sa kinasadlakan na inabot ng kabuhayan dahil sa pandemya. Subalit sa totoo lang, kalahati lang ang pandemya sa dahilan at ang kalahati nito ang mga salang desisyon mismo.
Sa pagbubukas ng ekonomiya, itinali sa dahilan na bumaba ang bilang ng nagkakaroon ng sakit, ayon sa datos na hawak nila. Parang naisip nito na sa pagbaba ng insidente ng may C-19, natural nang nanghihina ang “veerus” at palapit na ang paglabas ng bakuna.
Kaya’t eto, pinayagan ang maraming negosyo na muling magbukas, maging ang mga restaurant, fast food, ilang leisure parlor tulad ng spa o maging mga beauty parlor. Sa unang araw ng pagbubukas medyo naging maingat ang mga ilang sektor ng lipunan subalit kagyat lamang ito at makikita na ang mga kasalan, birthday celebration, at meet-ups ng mga magkakaibigan.
Sa madaling salita, bumaba ang pagbabantay sa kalusugan at dumami ang mga tao sa mga pagtitipon. Nariyan pa ang tagapagsalita ni Totoy Kulambo na si Haring Shokey na panay ang pakodak at post sa social media na nasa gitna ng maraming tao. Ano ang masasabi mo Mayor Magalong, sir?
Sa unang biglang tingin masasabi mukhang totoo na ang pagbaba ng bilang ng may pandemya, dahil sa kilos ng ilang taga-pamahalaan na ineengganyo na si Juan Pasan Krus na maari ng lumabas basta’t huwag kalimutan ang magsuot ng face mask, face shield, maghugas ng kamay at social distancing. Ngunit parang may mali sa signal o kumpas ng pamahalaan na buksan ang ekonomiya, dahil mukhang bumalik ang bangungot ng ating mga health worker.
Dumagsa na naman ang dami ng pumapasok sa pagamutan at parang narito na ang second wave ng pandemya o yung spike. Hindi man aminin ng Department of Health at IATF, ramdam ng health workers ang tumataas na bilang ng mga may C-19. Sa katunayan nariyan na naman na nagbabatuhan ng impormasyon kung saan at anong mga hospital pa ang maari pang pasukan ng mga pasyenteng lubhang nahawaan ng kumakalat na sakit.
Maaring sa mga tala ng pamahalaan bumababa na ang insidente, subalit mag-ikot kayo sa mga pagamutan at makikitang muling dumadagsa ang mga pasyenteng nagkakaroon ng C-19. At kung susundin ang sabi ni Totoy Kulambo na kailangan gawin ang mass testing baka lalong lilitaw ang katotohanan na marami at patuloy pa rin ang pagkalat ng pandemya. Dahil marami talagang kapatid si Mang Juan na hindi nagpapa swab test.
Sa paglalabas naman ng anunsyo hinggil sa bakuna, huwag kalimutan na ito’y balita pa lamang at kung mayroon man, may pagsusuri pang gagawin upang malaman ang bisa nito. May mga unang resulta sa ibang bansa na hindi pabor o’ kanais-nais at ibig itong alisin sa merkado. Mismo dito sa bansa, wala pang kasiguruhan kung kailan ito papasok.
At may agam-agam pa na baka magamit pa ito sa darating na eleksyon sa 22. At sa pagdating ng bakuna, huwag po tayong magpakampante sa ating mga kilos dahil ang bakuna’y hindi gamot sa mga taong mayroon o ginagamot na sa pandemya. Ito’y gamot upang mapigilan ang pagkalat ng veerus sa mga taong wala o’ di pa nagkaroon ng C19. At sa mga nagkaroon at gumaling kailangan ninyo rin ang bakuna at ibayong pag-iingat dahil wala kayong immunity upang hindi na magkaroon muli ng sakit.
Sa paparating na Kapaskuhan, makikita natin ang muling pagsigla ng pandemya. At nais ko lang magbigay ng halimbawa kung bakit kailangan natin ingatan ang ating mga sarili lalo sa mga taong ating naka kasalamuha. Halimbawa, may isang tao na galing sa isang piging na masigla at ng matapos at umalis na sa piging, Nakaramdam ito ng kakaiba at napilitang magpatingin o kumonsulta sa isang doktor.
Banggit nito na negatibo siya sa swab test na ginawa at galing lang siya sa isang piging. Sinilip ng doktor ito at binigyan ng kaukulang gamot. Ngayon, nag positibo na ito sa C-19 maging ang doktor na sumuri dito. Sa ganitong sitwasyon hindi sinasadyang nakadisgrasya pa ng iba dahil sa kawalaan ng kaalaman hingil sa pandemya. Kaya sa ganitong pagkakataon kailangan natin na maging disiplinado sa ating mga kilos upang ‘di magkaroon, makahawa at kumalat muli ang “veerus.” Dahil responsibilidad natin na alagaan ang ating sarili at iwasan makahawa ng kapwa. Wala na tayong aasahan sa gobyerno, kaya’t ikaw, ako, sila, tayo na ang magkusa upang maiwasan ang second wave o ang spike.
Sa pamahalaan, oo mahalaga ang pambansang ekonomiya, subalit timbangin ang kagalingan at ang kalusugan ni Mang Juan. Kung tuluyang malulugmok sa sakit ng pandemya ay may mas malalang dulot ito sa ekonomiya. Tandaan na malaki ang kontribusyon ni Mang Juan at ng mga obrero sa pagbangon ng ekonomiya.
Isaisip at gawing prayoridad sana ang pangmatagalang kapakanan at kalusugan ni Mang Juan. Kay Mang Juan at sa mga kapatid nito, pakiusap huwag ibaba ang mga panangga at pag-iingat sa kabila ng mga pahayag ni Totoy Kulambo hinggil sa bakuna o mass testing. Tatakbo pa ito ng ilang buwan at baka gamitin pa sa halalan.
Sa huli, ikaw at iyong pamilya ang tuwirang haharap sa laban ng buhay dahil walang proxy sa pandemya kung minalas-malas ka. Sanay’ mag-ingat ang lahat dahil ‘di biro ang kalaban….
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com