Advertisers
Sa panahon ng Kapaskuhan, iwinaksi muna ng Isko Moreno-Chi Atienza team ang alitang politika at naghatid ng mainit, masarap na pagbati sa lahat ng mamamayang Pilipino, lalo na sa kapwa nila Manilenyo.
Sa isang video na trending sa social media, humiling sina Yorme at Chi — na magkatiket na kandidatong alkalde at bise alkalde ng kabiserang lungsod ng bansa — ng isang maligayang kapaskuhan sa lahat.
“Kasama ang buong Yorme’s Choice, kami ay bumabati ng isang Maligayang Pasko!” sabi ng magkatandem sa halalan sa Mayo 12, 2025.
Pinag-uusapan sa Maynila, may ilang buwan na ang patuloy na pagdami ng supporter ng Moreno-Atienza tandem, na sa latest survey ng Social Weather Station (SWS), 70% ang pabor na ibalik si Yorme sa cityhall ng Maynila.
At top choice rin na vice mayor si Chi Atienza na ang katangian at credibility ay mahirap na mapantayan ng kanyang mga katunggali.
Plus factor pa na si Chi ng Yorme’s Choice ay anak ng mahusay na dating Manila mayor, congressman Lito Atienza.
Saan ka pa nga naman kakampi, e di sa sure winners na.
Kaya ang paghikayat nina Isko at Chi na “Together we will make Manila great again,” ay umaani ng napakaraming suporta sa Manilenyo.
Sa kanyang holiday video sa Facebook page, ipinaalala ni Moreno ang tunay na diwa ng Pasko, ito ay ang pagmamahal at malasakit sa kapwa.
Sabi ng tiyak na magbabalik na alkalde ng Maynila, Yorme Isko: “Nawa’y maging masaya, makabuluhan at ligtas ang ating pagdiriwang sa kapanganakan ng ating Panginoon.”
Mapapansin ang hashtag ni Isko na nagbibilin na unahin, bago ang lahat ay ang Pag-ibig sa Diyos.
At minsan, nang makausap namin si Yorme, nabanggit niya na labis ang kasiyahan niya sa patuloy na pagdami ng tagasunod ng kanilang tambalan ni Chi at mga kasama team Yorme’s Choice.
Sabi niya, malaking trabaho ang haharapin niya pag siya ay nakabalik sa cityhall, at uunahin niya ang pagbabalik ng mga programa sa trabaho, hanapbuhay at ang kalusugan ng Manilenyo.
“Kahit ano’ng hirap ng buhay, makatatawid tayo, basta matiyaga sa trabaho, masipag maghanapbuhay at laging inuuna ang Diyos,” sabi niya sa amin.
Kaya tumiin sa puso namin ang post niya sa social media, at ngayong Kapaskuhan at sa susunod na mga araw at sa New Year 2025, lagi natin tatandaan itong pahayag ni Yorme.
“Ating isapuso ang tunay na diwa ng araw na ito — magbigayan, magmahalan, magmalasakit sa bawat isa dahil walang magmamalasakit sa ating mga Batang Maynila kundi tayo ring kapwa Batang Maynila.”
Maligayang Pasko, at kamtin natin ang bagong pag-asa at tiwala sa pagbangon ng Maynila at ng buong bansa sa Bagong Taon 2025!
Manila, God First!
***
Sa isang taon ay umpisa ng kani-kaniyang porma at pakulo ang mga kandidato para sa midterm (2025) elections.
Marami na ang nagpapakilala na sasabak sa pagka-senador, congressman, governor, mayor etc., at magpapahuli ba ang mga dating talunan at dilawan, hindeeee po!
Kahit ang mga lokal na kandidato, kani-kaniya na rin ng papogi at paramdam sa mga botante at asahan, early months ng taong 2025 lalo na ang Valentine’s Day, mangingitim ang langit sa dami ng isasabit na pagbati para sa mga magsing-irog at mga kasalang bayan na pakulo ng mayor.
Buti na lang talaga andyan palagi ang Comelec na siyang naglilimita ng airtime sa radio at TV ng mga kandidato at maging sa print media, pero ang palaging tanong, paano mamomonitor ng maayos at tama ng poll body ang pagkampanya nila sa social network tulad ng Facebook, Twitter, You Tube, Zoom, at iba pang electronic media?
Kung tutuusin, may pagkakaiba pa ba ang mga kandidato halimbawa ng Partido ng Pilipinas, LP, NP, NUP, at mga kandidato ng adminitrasyon – parang iisang “mukha” lamang sila na ang prinsipyo at paninindigan ay depende sa magiging pakinabang nila at depende sa kung sino ang nakaupo sa Malakanyang.
Pagbibiro ng isang kaibigan, tutal pare-pareho naman ang mga “kulay” ng mga kandidatong ito, daanin na lang sa tambiolo ang pagpili sa kanila, matipid pa, sey nyo dear readers?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.