Advertisers
TINAMBANGAN ng riding-in-tandem ang sasak-yan ng provincial election supervisor ng Sulu sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City, Sabado ng umaga, December 21, 2024.
Sa inisyal na ulat ng mga opisyal Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Office-9, magkasama sa isang Toyota Fortuner ang abugadong si Vidzfar Amil Julie, 51 anyos, provincial supervisor ng Commission on Elections sa Sulu; at ang kanyang 57-anyos na kapatid na si Nasser nang pagbabarilin sila ng mga nakasakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang kapatid ng Comelec official na maagap namang naisugod sa isang hospital.
Ayon kay Commission on Elections chairman George Garcia, nakaligtas ang opi-syal, ngunit nasawi ang kaniyang kapatid.
Sa ulat, naganap ang insidente bago mag-10:00 ng umag, kumpirmasyon ni Garcia.
Sinabing ligtas si Julie Vidzfar, ngunit nasawi ang kapatid dahil sa tama ng bala sa ulo.
Galing sa airport ang magkapatid at pauwi na nang maganap ang pamamaril habang binabagtas nila ang bahagi ng Santa Maria, Zamboanga City.
Ayon kay Police Brigadier General Bowenn Joey Masauding, director ng PRO-9, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador kung sino ang nasa likod ng krimen.
Mabilis na nakatakas ang mga bumaril Julie sakay ng kanilang motorsiklo matapos paputukan ng ilang ulit ang kaliwang gulong sa likuran ng kanilang sasakyan kaya naiwan na ito sa gitna ng kalye, ayon sa barangay officials na nag-responde sa insidente.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng .45.
Nanawagan si Garcia sa PNP na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.