Advertisers
Ni Archie Liao
MAY mga sinuong na pagsubok ang pop diva na si Rozz Daniels sa taong 2024.
Katunayan, na-ospital ang kanyang pinakamamahal na nanay noong Agosto kung saan naging matagal din itong nakipaglaban sa sakit na pancreatic cancer.
Ten days din itong na-confine sa Ospital ng Maynila kung saan pumanaw ito pagkatapos ng dalawang araw.
Masyadong dinamdam ni Rozz ang pagkamatay ng kanyang nanay dahil noong panahong naghihirap ito sa kanyang sakit ay nasa Amerika siya dahil sa kanyang trabaho.
Umuwi pa siya sa Pilipinas para personal na asikasuhin ang kanyang pumanaw na ina.
Paniwala ni Rozz, nadugtungan pa sana ang buhay ng kanyang ina kung hindi ito napabayaan ng kanyang mga kamag-anak na kanyang natulungan.
Naging usap-usapan naman ang naging emote niya noon sa kanyang Facebook account dahil sa sama ng loob niya sa kanyang mga kamag-anak.
Sa presscon ng kanyang “The Rocks N Rozz Show – Christmas Special” na ginanap sa The New Music Box sa Timog sa Quezon City kamakailan, nagpaliwanag siya hinggil sa kanyang naging emote sa social media.
“Nilabas ko lang ang sama ng loob ko kasi di ko akalain na di ko pala sila kilala. Siyempre, iyong nangyari sa nanay ko, napabayaan. Nasa Amerika kasi ako, sila nandito. Kung di pa kasi ko umuwi, di ko madadala ang nanay ko sa ospital. So, masama ang loob ko talaga,” pahayag ni Rozz. “Then, siyempre, pinagsabihan nga nila ako na huwag daanin sa FB kasi nga nasa industriya na ako pero since then, I moved back,” dugtong niya.
Hirit pa niya, marami rin daw siyang natutunan sa karanasang iyon.
“I realized that after the incident, ang daming toxic people, even iyong relatives mo. I blocked all of them, forget all of them (for my peace of mind) since I’ve known them for years,” paliwanag niya.
Na-realize rin daw niya kung gaano ka-importanteng magtira sa sarili pagdating sa pagbibigay ng pagmamahal.
“Not to trust anybody and also, huwag masyadong mabait, maawain kasi lahat ng tinutulungan mo pag may namatay o nanganak, minsan di nila napapahalagahan. Iyong mga bagay na naitulong mo, minsan bura na lahat,” sey niya.
Masaya naman si Rozz dahil nandoon pa rin ang kanyang mga kaibigan at ilang kamag-anak na di siya iniwan at makakapiling ngayong Pasko.
Naging matagumpay naman ang idinaos na show ni Rozz na “The Rocks N Rozz Show”sa nasabing venue kung saan kasama niyang nag-perform sina Monica, Lina Torregosa, Jerome Sangalang, Neli Legaspi at ang butihin naming entertainment editor na si Blessie Cirera.
Sa ngayon ay pinaghahandaan ni Rozz ang recording ng kanyang revival song na Ibang Iba Ka Na na unang pinasikat ni Renz Verano.