Advertisers
NGAYONG abalang-abala ang lahat sa paghahanda para sa Pasko, muling ipinakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang malasakit sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng libreng sakay sa Light Rail Transit Authority (LRT)-Line 1, LRT-2, at Metro Rail Transit (MRT) Line-3 nitong Biyernes, Disyembre 20, 2024.
Ang ganitong makabuluhang hakbang na hindi lamang nagpapagaan ng gastusin ng marami kundi nagbibigay din ng tiyak na ginhawa sa panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay PBBM, ang libreng sakay ay isang simpleng paraan upang iparamdam ang malasakit ng pamahalaan sa bawat Pilipino.
Tunay na kahanga-hanga ang layunin ng inisyatibong ito, kung saan nakinabang ang tinatayang mahigit 1.1 milyong pasahero—ang pinakamataas na ridership na naitala ngayong taon.
Hindi biro ang dami ng tao na nagpapasalamat sa regalong ito, lalo na’t kalakhan sa kanila ay araw-araw na naghahanapbuhay at nagsusumikap para sa kanilang pamilya.
Hindi lamang ito praktikal kundi makatao rin. Sa panahon kung kailan mataas ang gastos at abala ang lahat, ang libreng sakay ay malaking tulong upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng ating mga kababayan.
Mula sa mga bus terminal sa Caloocan, Manila, Pasay, Cubao, at North Avenue, hanggang sa PITx, naramdaman ng mga pasahero ang diwa ng malasakit na hatid ng administrasyon.
Sa likod ng libreng sakay ay ang subsidy mula sa Office of the President (OP).
Sinasabing hindi naman apektado rito ang kita ng mga operator tulad ng LRMC, LRTA, at DOTr, kaya’t tuloy-tuloy ang maayos na serbisyo ng mga linya ng tren.
Salamat sa matalinong pamumuno ni Pangulong Marcos at sa epektibong koordinasyon ni PCO Acting Secretary Cesar Chavez, naging posible ang ganitong uri ng serbisyo na direktang nakinabang ang publiko.
Ang ganitong uri ng programa ay salamin ng pananaw ni Marcos para sa mas maayos at inklusibong bansa.
Hindi lamang ito isang pansamantalang solusyon kundi bahagi ng mas malawak na layunin na maghatid ng ginhawa sa bawat Pilipino. Ito ay patunay na ang liderato ng Pangulo ay nakatuon hindi lamang sa malalaking proyekto kundi pati na rin sa mga simpleng hakbang na may malaking epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Ngayong kapaskuhan, habang puno ng pag-asa at pagmamahal ang ating mga tahanan, huwag nating kalimutang pasalamatan ang administrasyong Marcos sa kanilang pagsisikap na maghatid ng ginhawa at malasakit.
Aba’y ang libreng sakay ay isang paalala na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, ang bawat Pilipino ay may lugar sa patuloy na pag-unlad ng bansa.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.