Advertisers
NASAWI ang isang guro nang tambangan sa Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato nitong Miyerkules, December 18.
Kinilala ang biktima na si Yasser Mama Abdullah, titser ng Noorul Eilm Academy, isang Islamic school sa naturang bayan.
Sa ulat nitong Huwebes ng mga opisyal ng Pikit Municpal Police Station at ng Cotabato Provincial Police Office, sakay ng kanyang motorsiklo si Abdullah pauwi mula sa pinagtuturuang paaralan nang tambangan ng mga armadong lalaki sa Barangay Inug-ug, na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Ang madugong insidente ay naganap sa kungsaan napatay din sa ambush dalawang linggo palang ang nakakalipas ang kanyang mga estudyanteng sina Rafael Abu Indong at Muslimin Nanalong, kapwa Grade 11 sa naturang paaralan.
Magkatuwang na inaalam pa ng mga imbestigador ng lokal na pulisya at ng mga opisyal ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army na may mga tropa sa Pikit at mga kalapit na mga bayan kung magkaugnay ang dalawang insidente.
Maliban sa kanyang pagiging guro sa Noorul Eilm Academy, barangay treasurer din si Abdullah sa Macabual na sakop ng bagong tatag na bayan ng Tugunan na sakop ng Bangsamoro region, hindi kalayuan sa Pikit na nasa teritoryo ng Administrative Region 12.