Advertisers
NAG-EMAIL sa akin ang tanggapan ni Quezon City 5th District Representative Patrick Michael Dumlao-Vargas hinggil sa isinulat kong may titulong “Anyare sa anomalya sa TUPAD sa QC?”.
Ayon sa tanggapan ni Vargas, ang column feed ay malinaw na “misinformed political attack” at isang “direct assault” sa partikular na programa ng gobyerno tulad ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced Workers).
Nang pumutok daw ang isyung ito noong 2021, nilinis mismo ni noo’y Labor Secrertary Silvestre Bello ang District 5, Quezon City, pagkatapos ng masusing imbestigasyon ng departamento, at kaagad inalis ang suspension sa distrito.
Ito ang reaksiyon at paglilinaw ng tanggapan ni Rep. Vargas sa naging kolum ko noong Disyembre 8, 2024.
***
Tinapos na ng House Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Manila 3rd District Representative Joel Chua ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na P612.5 million confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at sa Department of Education (DepEd) na dalawang taon ding pinamunuan ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Sa siyam? na pagdinig ng komite, maraming nabunyag na katiwalian kung paano nalustay ang public funds na ipinagkatiwala kay VP Sara. Nabunyag ang mga pekeng pangalan, pekeng pirma, mga gawa-gawang lugar, overpricing rentals ng opisina na hindi naman kailangan, at paggamit sa pera sa walang kabuluhang bagay, sabi ng Commission on Audit (CoA).
Kaya para sa mga miyembro ng komite, malinaw na si VP Sara at kanyang mga trusted na opisyal sa OVP at DepEd ay pasok sa mga kasong bribery, graft at plunder na walang piyansa.
Sinabi ni Chua, ang batas na kanilang papandayin para hindi na maulit ang pag-abuso sa confidential at intel funds ay “kapag nagkaroon ng kuwestyon sa maling paggamit sa confi-intel funds ito’y magiging subject na ng imbestigasyon”.
Seryoso rin ang House Quad na isulong ang impeachment laban kay VP Sara. Pero posibleng sa sunod na taon na nila ito tatalakayin dahil masyado nang gahol sa oras kung ngayon dahil nga sa kapaskuhan.
Sa kabilang banda, umugong sa Senado na ikukudeta si Senate President Chiz Escudero. Ito’y para raw hindi magtagumpay ang impeachment laban kay VP Sara kapag umakyat sa Mataas na Kapulungan.
Sinasabing si Sen. Cynthia Villar ang gustong iupo ng pro-Duterte senators.
Sa kasalukuyan ang mga senador na kapanalig ng Duterte ay ang mag-inang Cyntia at Mark Villar, magkapatid na Allan at Pia Cayetano, mga “bata” ni ex-President Rody Duterte na sina Bong Go, Ronald “Bato” Dela Rosa at Robin Padilla.
Kailangan ng labing anim na boto ng 24 senador para mapatalsik si VP Sara.
Malalaman natin kung sino sa mga senador na ito ang kakampi parin kay VP Sara kahit malinaw pa sa sikat ng araw ang ginawang paglustay sa walang kabuluhan sa pondo ng publiko.
Subaybayan!