Advertisers
NASAWI ang isang truck driver at anim na iba pa nang araruhin ng kanyang 10-wheeler truck ang mga bahay at sasakyan sa gilid ng highway sa Makilala, Cotabato nitong Huwebes ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Ma-kilala Municipal Police Station, nabatid na nawalan ng preno ang truck na minamaneho ni Leopoldo Ibañez, may kargang commercial fertilizers, habang pababa mula sa mataas na lugar sa Barangay Malasila, kaya nito nasapol ang ilang sasakyan at mga bahay sa gilid ng highway.
Agad namatay si Ibañez sanhi ng mga sugat na tinamo nito sa pagkakabangga ng kanyang truck sa mga malaking sasak-yan at ilang bahay sa gilid ng highway.
Maliban kay Ibañez, anim katao pa ang nasawi, kabilang sa kanila si Joey Pamplona, kanyang kabiyak na si Tina at kanilang anak na si Jeremiah na isang kindergarten pupil.
Nagpadala na si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ng mga kawani ng kanilang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang magpaabot ng inisyal na ayuda sa mga biktima ng aksidente.
Ayon kay Mendoza, inatasan na niya ang mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office na obligahin ang may-ari ng ten-wheeler hauler truck na tumulong sa pagpapalibing sa anim na mga residente ng Barangay Malasila na namatay sa aksidente.