Advertisers
Advertisers
Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na mayroong bagong 12 high tech na ambulansya ang lungsod na higit na makapagsisilbi sa lahat ng mamamayan nito.
Ayon sa alkalde, habang hinihintay ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na anti-COVID vaccines para sa lahat ng Pinoy, ang lokal na pamahalaan ay sumusuporta sa layunin ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan.
“Bibili si Pangulong Duterte ng bakuna. ‘Yan ang task niya sa kanyang gabinete, para sa mga taga-lungsod at sa buong bansa. Ngayon, ang asahan n’yo naman, ang inyong pamahalaang-lungsod will supplement… we will help the national government and I hope there will soon be an approved, effective and safe vaccine for us,” sabi ni Moreno sa regular na flag-raising ceremony sa City Hall noong Lunes.
Umaasa si Moreno na ang mga naatasan sa pagsasagawa ng bakuna ay kaagad na kikilos sa halip na manood lang habang ang ibang bansa ay nagbabakuna na sa kanilang mga mamamayan.
At dahil nalalapit na ang Pasko ay muling binigyang diin ni Moreno ang kanyang apela sa mamamayan na patuloy na sumunod sa itinakdang basic health protocols, kasabay ng pangako na siya at si Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na lilikha ng mahusay na paraan para sa medikal na pangangailangan ng mamamayan.
At bilang patunay dito ay ang bagong biling 12 high-end ambulances na matagal ng pangarap ni Moreno para sa lungsod kahit noong hindi pa siya mayor.
“Pangarap namin ito nung di pa kami nakapwesto— an honest to goodness, upscale ambulance assistance para sa mga Batang Maynila,” ayon sa alkalde.
Sinabi pa ni Moreno na siya at si Lacuna ay may pangakong palakasin ang kakayahang medikal ng lungsod, dahil aniya mahalaga ang kalusugan ng mamamayan bilang pangunahing pangangailangan ng lungsod at ng taumbayan upang umasenso.
Samantala ay sinimulan na nina Moreno at Lacuna ang ceremonial turnover ng mga Christmas food boxes sa iba’t-ibang barangay na binubuo ng may 650,000 pamilya sa Maynila.
Ang mga nabanggit na kahon ay naglalaman ng mga pagkaing pagsasaluhan sa may traditisyunal na noche buena at sa mismong araw ng Pasko. (Andi Garcia)